Nagsimula ngayong araw ang pamamahagi ng libreng fresh milk para sa mga kindergarten at Grade 1 pupils sa lahat ng 50 na pampublikong paaralan sa Bayambang sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao, sa pamamagitan ng Bayambang Dairy Farm ng Kasama Kita sa Barangay Foundation Inc. (KKSBFI) at sa tulong ng Municipal Nutrition Action Office.
Ang fresh milk ay nagmula sa Bayambang Dairy Farm ng KKSBFI bilang handog sa pagdiriwang ng kaarawan ng kanyang bunsong anak na si Christopher Quiambao.
Tinatayang 3,874 na mag-aaral ang makikinabang sa programa, na isasagawa sa loob ng hanggang sampung araw sa pamamagitan ng araw-araw na paghahatid sa mga paaralan.
Layunin ng programa na makatulong sa pagpapabuti ng nutrisyon ng mga bata at suportahan ang kanilang malusog na paglaki at pagkatuto, bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya ng Pamahalaang Bayan ng Bayambang para sa kalusugan at kapakanan ng kabataan.
Nagpapasalamat ang lahat ng mga nakatanggap na kabataan sa pamilya Quiambao-Jose dahil laging nauuna sa kanilang isipan ang kapakanan ng mga kabataan. (VMF/RSO; JMB)







