Mayor Niña: “ISO is Not a Trophy for Our Pride, It is an Active Promise”; Bayambang, Pasado sa ISO 9001:2015 Recertification

“May mga tagumpay na hindi nasusukat sa tropeyo. May mga tagumpay na hindi rin isinasabit sa dingding o inilalagay lamang sa mga opisyal na liham. Ang ilan ay nasusukat sa tiwalang naibabalik sa taumbayan, sa serbisyong naihahatid nang tama, at sa pangakong araw-araw na tinutupad.”

Ito ang mga binitiwang kataga ni Mayor Niña Jose-Quiambao noong Hulyo 20, 2026, nang muling isinulat ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang ang isa pang makabuluhang kabanata ng mahusay na pamamahala matapos nitong matagumpay na mapanatili ang ISO 9001:2015 Quality Management System Certification sa isinagawang external audit para sa re-certification..

Hindi lamang ito isang pagsusuri sa mga dokumento at proseso. Isa itong masusing pagtingin kung ang bawat tanggapan ng pamahalaan ay tunay na tumutupad sa layuning maghatid ng de-kalidad, episyente, at maaasahang serbisyo publiko.

Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni Mr. Ricky V. Bulalakaw, Overall Document Control Custodian, ang kahalagahan ng pagpapanatili ng isang mahusay na quality management system bilang pundasyon ng epektibong paglilingkod sa mamamayan.

Sa kanya namang mensahe, naagpahayag si Vice Mayor Ian Camille C. Sabangan ng buong suporta ng Sangguniang Bayan sa patuloy na pagpapalakas ng kalidad ng serbisyo ng pamahalaang bayan.

Sa kanyang talumpati na pinamagatang “ISO 9001:2015 Journey: Ang Kuwento ng Tagumpay at Patuloy na Pagbibigay ng Total Quality Service sa Bawat Bayambangueño,” ibinahagi naman ng alkalde ang naging paglalakbay ng Bayambang sa pagbuo ng isang pamahalaang nakabatay sa kalidad, pananagutan, at patuloy na pagpapabuti ng bawat proseso.

Kasunod nito ay ang pagbubukas ng audit ng 34 LGU departments sa pangunguna ng Lead Auditor na si Ms. Gilda Cirila Ramos, kung saan isinagawa ang masusing pagsusuri sa mga proseso, sistema, at implementasyon ng mga tanggapan ng munisipyo upang matiyak ang pagsunod sa pandaigdigang pamantayan ng ISO 9001:2015.

At kinahapunan, matapos ang audit proper, inilahad ng audit team ang kanilang audit findings, kung saan walang naitalang major at minor non-conformities sa bawat tanggapan. Samakatuwid, ang Pamahalaang Bayan ng Bayambang ay PASADO sa resertipikasyon ng ISO 9001:2015.

Ang matagumpay na recertification ay patunay na ang kalidad ng serbisyo sa Bayambang ay hindi lamang isang adhikain kundi isang kulturang isinasabuhay ng bawat kawani ng pamahalaan.

Sa kanyang pangwakas na mensahe, nagpasalamat si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, sa dedikasyon ng bawat tanggapan, kawani, at auditors na naging katuwang sa muling pagkamit ng internasyonal na pagkilala.

Tumatak din ang iniwang hamon ni Mayor Niña sa lahat ng lingkod-bayan: “We do not rest on the laurels. We remain a standard of good governance because we firmly believe that the citizens of this town deserve nothing less than world-class standards and top-notch services—every single day, without delay, and without exception.” (RGDS/RSO; AG, RobC)