Mayor Niña, Inimbitahang Panelist sa Nutrition Conference

Inimbitahan bilang panelist si Mayor Niña Jose-Quiambao sa isang kumperensiya ng National Nutrition Council ukol sa “Strengthening of LGU Nutrition Program: Creation of a Nutrition Office” bilang parte ng “Sub-Island Conference on Food and Nutrition Security for Local Government Units” na ginanap sa Sequoia Hotel, Paranaque City noong August 12-13, 2025.

Siya ay nirepresenta ni Municipal Nutritionist Venus Bueno, na siyang naglahad ng tinahak na landas ng LGU-Bayambang mula sa pagiging kabilang nito sa hanay ng mga most malnourished town sa probinsya hanggang sa pagkakaroon nito ng isa sa top 10 Municipal Nutrition Action Office rank nationwide.

Sa usapin, tinalakay ni Bueno ang mga iba’t ibang malikhaing paraan upang ma-institutionalize ang Nutrition Office sa kabila ng limitasyon sa budget. Inilahad din niya ang mga isinagawang kongkretong hakbang upang maimplementa ang mga inihanay na mga programang pangnutrisyon, at ang mga plano upang masiguro ang tuluy-tuloy na operasyon ng Nutrition Office sa hinaharap.

Bilang pagtatapos, binigyang-diin ni Bueno ang kahalagahan ng strong, visionary leadership, pagkakaisa ng executive at legislative branches ng LGU sa pag-apruba at pagbigay ng pondo sa lahat ng naisip na programa, at ang paggawa ng diri-diretsong mga kongkretong hakbang upang maisakatuparan taun-taon ang lahat ng nakaplanong aksyon kontra malnutrisyon. (RSO; MNAO)