Sa isang makasaysayang pagtitipon na sumasalamin sa patuloy na pag-unlad ng Bayambang, matagumpay na inihatid ni Municipal Mayor, Hon. Mary Clare Judith Phyllis ‘Niña’ Jose-Quiambao, ang kanyang State of the Municipality Address (SOMA) 2026 noong Hulyo 27 sa Balon Bayambang Events Center.
Sa kaniyang ulat, inilatag ng alkalde ang kalagayan ng bayan at ang mga makabuluhang bunga ng mga programa, proyekto, at inisyatibang nagbigay ng positibong pagbabago sa iba’t ibang sektor ng pamayanan at nagpapatibay sa layunin ng isang mas maunlad, matatag, at inklusibong Bayambang.
Sa kaniyang mensahe, nag-iwan si Mayor Niña ng isang makabuluhang paalala tungkol sa mahalagang papel ng bawat mamamayan sa pagpapatuloy ng pag-unlad ng bayan.
“Ang magtayo ng dakilang bayan ay isang bagay; ang panatilihin ito ang tunay na pagsubok. If we want a Bayambang that is strong, resilient, and prosperous for generations to come, we must hold ourselves to a higher standard of citizenship. Dahil ang progreso ng ating bayan ay hindi lamang responsibilidad ng Munisipyo—ito ay responsibilidad ng bawat pamilyang Bayambangueño.”
Ang programa ay sinimulan sa isang Special Session ng Sangguniang Bayan na pinangunahan ni Municipal Vice Mayor, Hon. Ian Camille C. Sabangan, na sinundan ng roll call sa pangunguna ni Sangguniang Bayan Secretary Joel V. Camacho. Kasunod nito ang suspension ng internal rules ng SB na inihain ni Hon. Jose S. Ramos, Municipal Councilor at Majority Floor Leader, bilang paghahanda sa paghahatid ng taunang ulat ng Punong Bayan.
Pagkatapos ay idinetalye ni Mayor Niña ang komprehensibong ulat ng mga naging tagumpay ng lokal na pamahalaan sa iba’t ibang larangan ng serbisyo publiko. Binigyang-pansin partikular na ang mga inisyatiba sa Socio-Cultural Development and Social Protection, na nakatuon sa pagpapalawak ng serbisyong panlipunan, pangangalaga sa kultura at sining, at pagpapalakas ng suporta sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Tinalakay rin ang mga hakbang sa Environmental Protection and Disaster Resiliency, na naglalayong pangalagaan ang kalikasan at higit pang patatagin ang kahandaan ng bayan laban sa mga kalamidad at iba pang sakuna.
Inilahad din niya ang mga naging pagsulong sa Economic and Infrastructure Development sa pamamagitan ng mga proyektong nagpapaunlad sa imprastraktura at nagpapasigla sa lokal na ekonomiya. Itinampok din ang mga resulta ng Good Governance, na sumasalamin sa isang pamahalaang may pananagutan, integridad, at mahusay na paghahatid ng serbisyo publiko. Kasabay nito, ibinahagi rin ang mga hakbang sa Agricultural Modernization, na nakatuon sa paggamit ng makabagong pamamaraan upang mapataas ang produktibidad at mapabuti ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Bilang patunay ng patuloy na pag-unlad ng bayan, ibinahagi rin sa SOMA ang iba’t ibang parangal na natanggap ng Bayambang mula sa iba’t ibang institusyon, gayundin ang mahahalagang Legislative Enactments na nagsilbing matibay na pundasyon sa pagpapatupad ng mga polisiya at programang nakatuon sa pangmatagalang kaunlaran at kapakanan ng bawat Bayambangueño.
Dinaluhan ang SOMA 2026 ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sangay at tanggapan ng pamahalaan, mga department heads, mga Punong Barangay at ibang opisyales sa 77 barangays, mga guro, media at social media content creators, at iba pang sektor ng komunidad.
Muling pinagtibay ng kaniyang ulat ang pananaw ng isang Bayambang na patuloy na umuunlad sa pamamagitan ng mahusay na pamamahala, makabagong mga programa, at nagkakaisang pagkilos patungo sa isang mas matatag, mas maunlad, at mas maaliwalas na kinabukasan para sa susunod na mga henerasyon. (JLT; AG)






















