Bilang panimula sa mas pinaigting na paghahatid ng serbisyo publiko para sa taong 2026, pinangunahan ni Municipal Mayor Niña Jose-Quiambao ang kauna-unahang Management Committee (ManCom) Meeting ng Lokal na Pamahalaan ng Bayan noong Enero 13, 2026, sa Balon Bayambang Events Center.
Sa kanyang pambukas na mensahe, binigyang-diin ni Mayor Niña na “ang ating paninilbihan ay hindi tungkol sa posisyon, pangalan, o personal na tagumpay — kundi sa mas mataas na layunin: ang kapakanan ng bayan,” na nagsilbing gabay at inspirasyon sa kabuuang takbo ng pagpupulong.
Kasama ng alkalde sa pamumuno ng pulong sina Special Assistant to the Office of the Mayor (SATOM), Dr. Cezar T. Quiambao, Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad; Municipal Legal Officer, Atty. Bayani Brilliante, Jr.; SEE Consultant Erlinda Alvarez; at OIC Municipal Planning and Development Officer Ricky Bulalakaw.
Sa pagpupulong, lahat ng mga tanggapan ng pamahalaang bayan ay nagpresenta ng kani-kanilang accomplishments sa nagdaang taon, mga problemang naranasan sa implementasyon ng mga programa, at ang mga hakbang na isinagawa upang tugunan ang mga ito.
Kanila ring inilahad ang kaniya-kaniyang mga plano at direksyon para sa taong 2026, kabilang ang mga estratehiya upang higit pang mapahusay ang kalidad ng serbisyo, mapalakas ang ugnayan at koordinasyon ng mga tanggapan, at mas epektibong matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan.
Ang ManCom Meeting ay isang regular na pagpupulong ng mga tanggapan sa ilalim ng ehekutibong sangay ng lokal na pamahalaan na nagsisilbing mahalagang plataporma para sa bukas na talakayan, masusing pagtatasa ng performance, at pagtiyak na ang mga programa at layunin ng bawat departamento ay nakaangkla sa pangkalahatang direksyon ng kasalukuyang administrasyon sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Niña Jose-Quiambao. (RGDS/RSO; Rob Cayabyab)






