Isang makasaysayang hakbang para sa edukasyon ang naganap noong Hunyo 15, 2026, sa Balon Bayambang Events Center pagkataapos ng regular na seremonya ng pagtataas ng watawat, matapos ang paglagda sa isang Deed of Usufruct sa pagitan ng LGU-Bayambang at Department of Education na siyang magbibigay-daan sa pagkakaroon ng sarili at permanenteng campus ang Bayambang Central School (BCS).
Pinangunahan nina Mayor Niña Jose-Quiambao at Vice-Mayor Ian Camille Sabangan ang naturang lagdaan, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan at mga kinatawan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd). Nanguna naman sa panig ng DepEd sina DepEd Regional Director Dr. Estela P. Leon-Cariño at Schools Division Superintendent (SDS) Fatima Boado, kasama ang iba pang opisyal at mga punong-guro mula sa nasabing dibisyon.
Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Mayor Quiambao ang kanyang kasiyahan at pasasalamat sa matagumpay na kasunduan upang masiguro ang maayos at matatag na pagpapatakbo ng edukasyon sa lugar.
“Matagal na nating pinaghandaan ito. Ngayong mayroon nang pormal na kasunduan, masisiguro natin na ang ating mga mag-aaral ay magkakaroon ng ligtas, maayos, at permanenteng lugar kung saan sila ay matututo at mahuhubog nang husto,” aniya.
Ayon naman kay Direktor Leon-Cariño, ito ang kauna-unahang malaking kasunduan sa anyo ng Deed of Usufruct sa buong Rehiyon I. Tinawag niya itong mahalagang bahagi ng kasaysayan hindi lamang ng Bayambang kundi ng buong lalawigan ng Pangasinan, lalo pa’t ang nasabing lupain ay partikular na binili ng LGU at inilaan para maging permanenteng lugar ng naturang paaralan.
“Sa ngalan ng ating kagawaran, taos-puso kaming nagpapasalamat. Bukod sa pasilidad, makakaapekto rin ito nang mabuti sa kalidad ng edukasyon at maging sa paghubog ng magagandang kaugalian ng mga bata,” pahayag ng direktor.
Nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat si G. Lamberto De Vera, Punong-guro ng Bayambang Central School. Ayon sa kanya, malaking ginhawa at katiyakan ang hatid ng kasunduan para sa kanilang paaralan.
“Nakasisiguro na kami ngayon ng permanenteng tahanan ng aming paaralan, at ito ay nagbibigay sa amin ng higit na lakas ng loob at inspirasyon sa pagtuturo. Ang pagkakaroon ng sariling lupa ay magbubukas ng mas maraming oportunidad upang mapalawak ang mga pasilidad, mapataas ang kalidad ng pagtuturo, at masiguro ang karapatang makapag-aral ng bawat mag-aaral,” dagdag pa niya.
Nagpasalamat din at nagpahayag ng suporta ang kinatawan ng mga mag-aaral at ng Samahan ng mga Magulang at Guro (SPTA) sa walang pagod na pagsisikap upang maabot ang tagumpay na ito para sa Bayambang Central School.
Ang Deed of Usufruct ay isang legal na kasunduan na magbibigay ng karapatan sa DepEd na gamitin at paunlarin ang nasabing lupain nang may ganap na katiyakan at pagsang-ayon ng nagmamay-ari ng lupa, ang pamahalaang bayan ng Bayambang.
Dumalo rin sa okasyon ang mga mag-aaral na may mga bitbit na tarpaulin streamers na nagpapahayag ng pasasalamat sa pamunuang Quiambao-Sabangan.
Matatandaan na bilang bahagi ng settlement agreement sa lumang kaso ng BCS, nabigyan ng korte ang LGU ng pagkakataong mabili ang pribadong lupaing kinatitirikan ng BCS sa Brgy. Magsaysay at ilipat ang titulo nito sa ngalan ng LGU-Bayambang. (VMF/RSO; RobC, JLT)







