Nagsagawa ang Commission on Audit (COA) ng isang entrance conference ngayong Enero 23 kung saan inilatag ang mga layunin, saklaw, at inaasahang resulta ng audit para sa Fiscal Year (FY) 2026 ng LGU-Bayambang.
Isinagawa ang pagpupulong sa Mayor’s Conference Room at dinaluhan nina Mayor Niña Jose-Quiambao, Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, Municipal Accountant Flexner de Vera, Municipal Budget Officer Marie Christine B. Terrado, kasama ang iba pang mga department head at kawani.
Sa talakayan, ipinaliwanag ng COA ang audit timeline, mga kinakailangang dokumento, at ang malinaw na tungkulin at responsibilidad ng parehong auditor at auditee upang matiyak ang maayos, episyente, at napapanahong proseso ng pagsusuri.
Binigyang-diin nina Supervising Auditor Evangeline R. Picar at Audit Team Leader Elsa M. Castro ang kahalagahan ng transparency, accountability, at mahigpit na pagsunod sa mga umiiral na pamantayan sa financial management at reporting.
Nagsilbi ring plataporma ang entrance conference upang makapaglahad ng mga katanungan at paglilinaw ang mga kinauukulan, na lalong nagpatibay sa kooperasyon ng COA at ng LGU tungo sa responsableng pamamahala ng pondo ng bayan. (WMC; AG)



