Masquerade Party, Hajji Alejandro, Tampok sa Balikbayan at People’s Grand Ball

ni: Rhouldan C. Manzano

Nakabibighaning kagandahan, musikang nakapagpapagaan ng pakiramdam, at mga ngiting abot-tainga ang bumalot sa Masquerade Party ng Balikbayan at People’s Grand Ball na ginanap sa Public Auditorium, kasabay ng pagdiriwang pa rin ng kapistahan ni San Vicente Ferrer, patron ng bayan ng Bayambang, noong Abril 5.

Sa pagpasok pa lamang ng mga dumalo ay suot nila ang kani-kanilang mga maskara at magagarang mga kasuotan kasabay ng kumustahan, at kalauna’y unti-unting napuno na ang dance floor ng mga yugyugan sa saliw ng musika ng kilalang Don Podring Orchestra.

Bago lumalim ang gabi, patuloy ang pagdagsa ng mga bisita sa gabi ng pagdiriwang, mga balikbayan, mga miyembro ng Sanguniang Bayan ng Bayambang sa pamumuno ni Vice Mayor Ian Camille Sabangan, Kgg. Dr. Shiela Baniqued at Kgg. Vici Ventanilla kapwa Board Member ng ikatlong distrito ng lalawigan, Kgg. Mark Roland Lambino ang Bise-Gobernador ng lalawigan, at Board Member at Provincial Liga ng mga Barangay Federation President, Kgg. Raul Sabangan. Nakisaya rin ang mga itinanghal na bagong Bb. Bayambang na sina Bb. Bayambang Tourism 2024 Gem Danielle Panadero, Bb. Bayambang Charity 2024 Nexel Junio, at Bb. Bayambang 2024 na si Reign Joy Lim, at mga opisyales ng LGU.

Inabangan din ang pagdating ng napakagandang ina ng bayan na si Mayora Niña Jose-Quiambao kasama ang kapilas ng kanyang dibdib na si Dr. Cezar T. Quiambao at ang kanilang pamilya at matalik na kaibigan.

Sa paunang mensahe na hatid ni Vice Mayor Ian Camille Sabangan, nararapat lamang aniya na bigyang-pugay ang magigiting na mga OFW sa pamamagitan ng mga okasyong tulad nito.

Winelcome naman ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang mga magigiting nating balikbayan, at binigyang-diin niya ang kahalagahan ng koneksyon ng mga Bayambangueño sa isa’t isa, na aniya ay hindi mawawala kahit na milya ang pagitan.

Mas lalo pang naging masaya ang gabi nang ipakilala na ang pinakahihintay na panauhin na naghandog ng mga sumikat na kanta noong dekada ‘80 mula sa isa sa mga haligi ng industriya ng OPM sa bansa at tinaguriang “kilabot ng mga kolehiyala,” si G. Hajji Alajandro. Kanyang inaliw ang mga panauhin ng mga kwelang punchline at OPM music. Napasayaw rin ang mga bisita at nakisabay sa pag-awit ng mga sikat niyang kanta.

Sa kanya namang mensahe ng pasasalamat, nasabi ni Konsehal Philip Dumalanta na, “Ang pagdiriwang ng Balikbayan at People’s Grand Ball ang siyang binabalik-balikan ng mga magigiting nating makabagong bayani na nakikipagsapalaran sa ibang bansa.

Nagpaabot rin ng kanyang pagbati sa kapistahan ng bayan mula sa Pangasinan provincial government si Bice-Gobernador Mark Roland Lambino.

Isa-isang tinawag sa gitna ng bulwagan ang mga balikbayan at sila’y binigyan ng token of appreciation, bilang pasasalamat sa kanilang pagdalo.  

Isang piling balikbayan naman ang nagbahagi ng paghihirap at tagumpay sa  pakikipagsapalaran sa ibang bansa: si Engr. Narcisco Todio, na tubong Brgy. Pangdel at nagtapos sa Pangdel Elementary School at Bayambang National High School.

Pinasalamatan rin sa nasabing palatuntunan si G. Joel V. Camacho, ang punong-abala sa 2024 Balikbayan at People’s Grand Ball.

Nagtapos ang maikling programa sa pangunguna ni Dr. Rafael L. Saygo, pangulo ng Bayambang Polytechnic College.

Ang pagbabalik sa bayang sinilangan ay tulad ng pag-uwi sa sariling tahanan, kung saan ipinagmamalaki ang pinagmulan bilang isang kayamanang maituturing saan man.

(larawan: Kassandra Clarise Cristobal, Meil Mary delos Santos, Jeff Mikhail Ramos, Ace Gloria)