Bumisita kamakailan si Bayambang Polytechnic College (BPC) President, Dr. Rafael L. Saygo, sa itinatayong apat na palapag na gusaling pang-akademiko ng BPC na may 32 na silid-aralan, upang personal na tingnan ang progreso ng proyekto.
Ayon sa kanya, nakaaantig at nagbibigay-inspirasyon ang unti-unting paghubog ng gusali na inaasahang matatapos sa Nobyembre 2026, kasabay ng pagtatapos ng kauna-unahang batch ng mga mag-aaral sa kolehiyo—kung saan marami sa kanila ay mga first-generation learners na nangarap makamit ang mas magandang kinabukasan.
Binigyang-diin din niya na higit pa sa isang proyektong pang-imprastruktura ang gusali. Isa itong simbolo ng mas malawak na akses sa edukasyon, ng mga oportunidad na nabubuksan para sa kabataan, at ng isang kinabukasang pinagtitibay sa pamamagitan ng pag-aaral.
Dito sa Bayambang, tunay nga na ang mga ipinapangako ay naisasakatuparan, ang mga matatayog na pangarap ay kayang abutin, kabilang ang mga mistulang imposible sa simula, salamat sa pagpapala ng Diyos sa mga magagandang hangarin at malinis na pamamahala ng administrasyong Quiambao-Sabangan. (RLS/RSO; MTICAO)





