“Nasaan na tayo sa ating Rebolusyon Laban sa Kahirapan? Ano pa ang mga dapat nating gawin upang walang maiwang Bayambangueño?”
Ito ang mga mahahalagang tanong na sama-samang sinikap sagutin ng mga kalahok sa isang workshop na inorganisa ng Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT) upang matiyak na ang mga susunod na hakbang ng bayan ay patuloy na tutugon sa pangangailangan ng mamamayan at magdadala ng mas inklusibong kaunlaran para sa bawat Bayambangueño at mawakasan ang kahirapan sa bayan.
Patuloy na pinagtitibay ng LGU-Bayambang ang mga programa at estratehiya laban sa kahirapan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Bayambang Poverty Reduction Plan (BPRP) Recalibration: A Multi-Sectoral Workshop on Sustaining Poverty Reduction in Bayambang na ginanap mula Hunyo 10 hanggang 11 sa Balon Bayambang Events Center.
Pinangunahan ni Dr. Cezar T. Quiambao, SATOM, at kinikilalang ama ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan, ang pagbubukas ng workshop at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng sama-samang pagkilos upang mapangalagaan ang mga nakamit na tagumpay ng Bayambang upang mawakasan ang kahirapan. Sa kanyang mensahe, hinikayat naman ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang lahat ng sektor na ipagpatuloy ang Rebolusyon Laban sa Kahirapan sa pamamagitan ng patuloy na pagkakaisa.
Binigyang-diin ni Municipal Administrator at BPRAT Chairperson, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, ang kahalagahan ng workshop sa paglalagay sa tamang perspektiba ng mga susunod na hakbang ng bayan, habang inilahad ni Municipal Planning and Development Officer Ryan James Nichola L. Dizon ang kasalukuyang estado ng pagpapatupad ng limang sectoral agenda. Tinalakay naman ni ICT Officer Ricky V. Bulalakaw ang mga natitirang puwang at hamon na dapat tugunan sa mga susunod na taon.
Sa loob ng dalawang araw, sinuri ng mga department heads, focal persons, at mga representante ng basic sectors ng lipunan (senior citizen, magsasaka, kabataan, PWD, atbp.) ang kasalukuyang implementasyon ng mga programa ng pamahalaan sa ilalim ng limang pangunahing karapatan ng mahihirap ayon sa Magna Carta of the Poor (MCP)—ang karapatan sa sapat na pagkain, disenteng trabaho, dekalidad na edukasyon, maayos na pabahay, at mataas na antas ng serbisyong pangkalusugan.
Tinalakay rin ang mga natitirang hamon at mga napansing kakulangan upang makabuo ng mga kongkretong hakbang para sa mas epektibong pagpapatupad ng mga programa para sa mamamayan.
Nagkaroon din ng workshop reporting at open forum kung saan nagbahagi ng mga rekomendasyon ang iba’t ibang sektor upang higit pang mapalawak ang oportunidad at serbisyong makatutulong sa mga Bayambangueño.
Napanood din ng mga kalahok ang mga naging tagumpay ng bayan sa nakalipas na pitong taon sa pamamagitan ng video presentation ng ika-7 anibersaryo ng Rebolusyon Laban sa Kahirapan.
Bilang bahagi ng workshop, 30 na kalahok ang nabigyan ng grocery packages bilang token. Nagbigay din si Mayor Niña Jose-Quiambao ng tig-P1,000 cash sa limang kalahok na masiglang nakibahagi sa workshop.
Sa pagtatapos ng aktibidad sa unang araw, nilagdaan ng mga kalahok ang isang covenant document bilang simbolo ng kanilang sama-samang pangako na ipagpatuloy ang mga programang naglalayong maiangat ang kalidad ng buhay ng bawat Bayambangueño.
Sinimulan ang ikalawang araw sa briefing kasama si Mayor Niña Jose-Quiambao kasama ang lahat ng department at unit heads upang talakayin ang mga kinakailangang adjustments sa implementasyon ng mga programa. Sinundan ito ng consolidation ng workshop outputs at finalization ng MCP Rights-Based Sectoral Plans ng mga propesor mula sa Paangasinan State University-Bayambang Campus, kung saan pinagsama-sama at inayos ang mga naging resulta ng talakayan upang masigurong nakatuon ito sa karapatan at pangangailangan ng mamamayan.
Nagkaroon din ng reporting ng mga department heads ukol sa mga natukoy na gaps at rekomendasyon, habang nagsagawa ang NAPC ng workshop synthesis upang ibuod ang kabuuang resulta ng dalawang araw na aktibidad.
Tinapos ang aktibidad sa Ways Forward presentation ni Atty. Sagarino-Vidad, kung saan inilatag ang mga susunod na hakbang para sa mas tuluy-tuloy at mas inklusibong pagpapatupad ng BPRP para sa kapakanan ng bawat Bayambangueño. (KBP/RSO; JLT, AG, Rob C.)







