Mas Pinalakas na Plano sa Ekonomiya at Imprastraktura, Tinalakay sa BPRAT-Economic Sector Meeting

Naging sentro ng talakayan ang pagpapalakas ng mga plano at programa para sa Economic at Infrastructure Sector sa ginanap na pulong ng Bayambang Poverty Reduction Action Team (BPRAT) sa Mayor’s Conference Room (MCR) ngayong araw, April 7, 2026, kung saan nagsama-sama ang mga kinatawan ng iba’t ibang tanggapan upang magbahagi ng updates at maglatag ng mga hakbang tungo sa mas maayos na implementasyon ng mga proyekto ng lokal na pamahalaan.

Pinangunahan ng BPRAT ang nasabing pulong, kung saan sila ay nagbigay ng mahahalagang suhestiyon at direksyon upang higit na mapahusay ang mga kasalukuyang plano, lalo na sa pagtitiyak ng mas epektibong koordinasyon sa pagitan ng mga opisina. Binigyang-diin din nila ang kahalagahan ng maayos na pagpaplano at monitoring upang matiyak na ang bawat proyekto ay may kongkretong ambag sa kaunlaran ng komunidad.

Nakiisa rin sa pulong si ICTO Head Ricky V. Bulalakaw, na nagbahagi ng suporta lalo na sa aspeto ng digitalization at pagpapalakas ng data management systems na makatutulong sa mas mabilis at mas maayos na pag-uulat at monitoring ng mga proyekto. Dumalo rin ang iba’t ibang department head at staff representative, na aktibong nakilahok sa diskusyon at naglatag ng kani-kanilang updates at rekomendasyon.

Isa sa mga pangunahing bahagi ng pulong ang presentasyon ng Sectoral Plan Monitoring Report, kung saan iniulat ang kasalukuyang estado ng mga proyekto sa ilalim ng economic sector. Kabilang dito ang Barangay/Program Project Report na nagsilbing mahalagang batayan sa pagsusuri ng progreso at epekto ng mga programa sa iba’t ibang barangay, pati na rin sa pagtukoy ng mga dapat pang pagtuunan ng pansin.

Tinalakay rin sa committee discussion ang posibleng epekto ng umiiral na tensyon sa pagitan ng United States, Israel, at Iran sa lokal na ekonomiya. Napagtuunan ng pansin ang mga implikasyon nito tulad ng pagtaas ng presyo ng langis, posibleng pagkaantala sa supply chain, at iba pang global economic pressures na maaaring makaapekto sa presyo ng bilihin at serbisyo sa bansa.

Samantala, ibinahagi ni Municipal Engineer Bernadette Mangande ang pinakahuling updates sa infrastructure sector, kabilang ang status ng mga ongoing at priority projects ng lokal na pamahalaan. Tinalakay rin ang mga hakbang upang mapabilis ang implementasyon ng mga proyektong may direktang benepisyo sa publiko, gaya ng pagpapabuti ng mga kalsada, pasilidad, at iba pang serbisyong sumusuporta sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mamamayan.

Sa kabuuan, naging mahalagang hakbang ang naturang pulong upang higit na mapalakas ang ugnayan ng iba’t ibang tanggapan, mapabuti ang monitoring ng mga programa, at matiyak ang maagap na pagtugon sa mga hamon—lokal man o pandaigdigan—na may epekto sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya at imprastraktura ng bayan. (John Andrew Bacani/RSO; JMB, AG)