Nagpulong ngayong araw, June 2, 2026, ang buong team ng Komprehensibong Serbisyo sa Bayan (KSB) Year 9 sa Mayor Conference Room sa pangunguna ni Mayor Niña upang talakayin ang mga karagdagang serbisyong maaaring isama sa programa para mas mapalawak at mapahusay pa ang mga serbisyong hatid sa malalayong komunidad.
Bilang tugon sa mga kahilingan ng mamamayan, lalo na sa larangan ng medikal at dental na serbisyo, layunin ng alkalde na gawing mas exciting, mas dynamic, at mas kapaki-pakinabang ang KSB Year 9 upang mas marami pang Bayambangueños ang makinabang.
Hinihikayat din ng lokal na pamahalaan ang publiko na makiisa at samantalahin ang mga libreng serbisyong handog ng programa, kabilang ang medical at dental consultations, legal advice, tulong sa pagpapaayos ng birth, marriage, at iba pang dokumento, mga Information, Education and Communication (IEC) sessions, at marami pang iba.
Patuloy na pinagtitibay ng KSB Year 9 ang layunin nitong ilapit ang mga pangunahing serbisyo ng munisipyo sa mga mamamayan para sa kapakanan ng bawat pamilya sa Bayambang. (SMGC/RSO; RobC, AG)





