Mas pinaigting ang mga plano at programang pangkaunlaran ng lokal na pamahalaan matapos ang isinagawang Municipal Development Council (MDC) Meeting ngayong araw, Abril 8, 2026, sa Balon Bayambang Events Center.
Dinaluhan ang nasabing pagpupulong ng mga opisyal ng pamahalaang bayan, mga department head, at kinatawan mula sa iba’t ibang sektor upang pag-usapan at pagtibayin ang mahahalagang proyekto para sa patuloy na pag-unlad ng Bayambang. Dumalo rin sa pulong si Malasiqui Councilor Jessica Gueco, bilang kinatawan ni Cong. Rachel ‘Baby’ Arenas.
Pangunahing tinalakay sa agenda ang Supplemental Investment Program No. 2, series of 2026, na sumasaklaw sa mga panukalang proyekto sa larangan ng imprastraktura, serbisyong panlipunan, at pagpapaunlad ng lokal na ekonomiya. Masusing sinuri ang bawat proyekto upang matiyak na ang paggamit ng pondo ng bayan ay naaayon sa pangangailangan at may direktang pakinabang sa mamamayan.
Bukod dito, nagkaroon din ng bukas na talakayan hinggil sa iba pang mahahalagang usapin. Nagbahagi ng mga suhestiyon at rekomendasyon ang mga kalahok, partikular sa pagpapalakas ng ugnayan at koordinasyon ng iba’t ibang tanggapan, gayundin sa pagpapatupad ng mas mahigpit na monitoring at evaluation ng mga proyekto.
Sa kabuuan, naging produktibo at makabuluhan ang pagpupulong na nagbunga ng mas konkretong mga hakbang at estratehiya tungo sa patuloy at inklusibong pag-unlad ng bayan ng Bayambang. (John Andrew Bacani/JLT; RobC, JMB)







