Mas Pinagtibay na Koordinasyon sa Paghahanda ng FY 2027 Budget, Isinulong sa Forum

Bilang paghahanda sa pagbuo ng Fiscal Year (FY) 2027 Municipal Budget, nagsagawa ang pamahalaang bayan ng Bayambang ng Municipal Budget Forum noong Hulyo 14, 2026 sa Municipal Conference Room (MCR), na dinaluhan ng mga department at unit heads, mga kinatawan ng national agencies, civil society organizations (CSOs), at iba pang mga stakeholder.

Pinangunahan ni Municipal Budget Officer Marie Christine B. Terrado ang naturang forum upang talakayin ang mga mahahalagang gabay sa paghahanda ng FY 2027 budget. Kabilang sa mga tinalakay ang budget preparation process, major thrusts and policy directions, National Tax Allotment (NTA) Computation, Revenue and Trend Estimates of Local Revenue, Increase in Budgetary Requirements, Local Budget Preparation Forms, Local Budget Circular No. 163 na inilabas noong Pebrero 27, 2025, gayundin ang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE). Binigyang-linaw din ang iba pang mahahalagang usapin upang magsilbing gabay sa paghahanda ng budget proposals ng bawat tanggapan.

Layunin ng aktibidad na mapalakas ang koordinasyon at partisipasyon ng lahat ng tanggapan at organisasyon upang matiyak ang maayos, sistematiko, at epektibong paghahanda ng budget ng bayan para sa taong 2027.

Nagsagawa rin ng isang open forum, kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na magbigay ng kanilang mga katanungan, paglilinaw, at mungkahi hinggil sa mga tinalakay. Naging daan ito upang higit na mapalalim ang pag-unawa ng bawat tanggapan sa proseso ng paghahanda ng badyet at mapalakas ang koordinasyon sa pagitan ng mga opisina.

Bilang pagtatapos, nagpasalamat sa lahat ng dumalo so Acting Municipal Administrator, Atty. Bayani Brillante Jr., sa kanilang aktibong pakikilahok at patuloy na suporta sa paghahanda ng FY 2027 Municipal Budget.

Sa pamamagitan ng forum na ito, higit pang pinagtibay ng lokal na pamahalaan na bayan ng Bayambang ang sama-samang pagsusulong ng responsableng pamamahala sa kabang-yaman ng bayan at mahusay na pagpaplano ng mga programa at serbisyong magbibigay ng mas de-kalidad na paglilingkod para sa mga Bayambangueño. (JLT/RSO; AG)