Mas Accessible na Serbisyong Pinansyal, Hatid ng Bagong LandBank ATM

Mas pinalapit sa mga Bayambangueño ang serbisyong pinansyal matapos pormal na pasinayaan ang bagong LandBank ATM sa harap ng Municipal Annex Bldg. sa Barangay Magsaysay, ngayong araw, Disyembre 23, 2025.

Sa isinagawang inagurasyon, binigyang-diin na ang pagkakaroon ng karagdagang ATM ay malaking tulong lalo na sa mga kawani ng pamahalaan, benepisyaryo ng mga programa ng gobyerno, at ordinaryong residente na hindi na kailangang bumiyahe pa sa malalayong lugar para lamang makapag-withdraw o makapagsagawa ng basic banking transactions.

“Bahagi ito ng mas malawak nating direksyon bilang LGU. Ang pagbuo ng Bayambang na moderno, responsive, at people-centered,” mensahe ni Mayor Niña Jose-Quiambao na ipinahatid ni Councilor Jocelyn Espejo.

Dumalo rin sa inagurasyon si Vice-Mayor Ian Camille C. Sabangan, mga Municipal Councilor, mga LGU department head, kasama sina LandBank VP Adeline “Bing” Ramos, San Carlos City Branch Head Jennifer Chan, Dagupan Branch Head (at dating San Carlos City Branch Head) Menchie C. Mencias, at Field Support Services Center OIC Ana Rachel L. Tamondong.

Naging tagapagbasbas naman si St. Vincent Ferrer assistant parish priest, Fr. Marlon Allam.

Ang bagong bukas na ATM ay ikalawa lamang sa bayan, kasunod ng parehas na pasilidad na matatagpuan sa gilid ng Municipal Hall.

Ang proyektong ito ay patunay ng patuloy na pakikipagtulungan ng LGU at ng mga bangko upang matiyak na ang serbisyong pinansyal ay abot-kamay ng bawat Bayambangueño at tumutugon sa pangangailangan ng isang umuunlad na bayan.

Sa kaugnay na balita, nag-umpisa pagproseso ng mga dokumento para sa konstruksyon ng isang branch ng LandBank sa Poblacion, kaya’t di na kailangang bumiyahe pa ang mga kliyente ng bangko sa ibang lugar para sa iba’t ibang transaksyon. (WMC/RSO; AG)