Kasalukuyang nakadisplay ngayon sa Museo ng Santuario de San Vicente Ferrer ang iba’t ibang imahe ng Birheng Maria, bilang pagpupugay sa araw ng kanyang kapanganakan sa Setyembre 8.
Ang mga imahe ay ipinahiram pa ng mga deboto mula sa iba’t ibang bayan sa Pilipinas, maging sa malalayong bayan sa Visayas.
Sa bawat imahe, kapansin-pansin ang masining na pagsasalarawan ng kagandahan at kabanalan ng ina ng Diyos sa mga obra gamit ang iba’t ibang istilo.
Ayon sa parokya, ang exhibisyon “ay isang paanyaya na makiisa kay Maria, upang sa kanya’y masilayan natin ang liwanag ng pag-asa na umaakay sa atin palapit kay Kristo.”
Sa tulong ng Tourism Office, kabilang sa mga tampok na exhibit ang ilang rebulto na pagmamay-ari ni Mayor Niña Jose-Quiambao.
Ang exhibition ay inaasahang dudumugin ng mga deboto at mga turista.
Ito ay hanggang sa Setyembre 14, 2025 lamang, kaya’t iniimbitahan ng simbahan ang lahat upang ito ay bisitahin.
Samantala, noong araw mismo ng Setyembre 8, nakiisa rin ang LGU-Bayambang sa naturang selebrasyon sa pamamagitan ng isang misa na ginanap sa may Sangguniang Bayan Session Hall, sa pangunguna ni Fr. Marlon Allam, ang kasalukuyang assistant parish priest ng Santuario de San Vicente Ferrer. (RSO; JMB)
















