Managos Farmers Agriculture Cooperative, Nakumpleto ang 4 Araw na Social Preparation at Buffalo Production and Management Training

Ang mga kasapi ng Managos Farmers Agriculture Cooperative (MFAC) ay matagumpay na nakumpleto ang apat na araw na Social Preparation and Buffalo Production and Management Training na pinangunahan ng Philippine Carabao Center (PCC) MFAC Office sa Brgy. Managos.

Layunin ng pagsasanay, bago ang pagbibigay ng PCC ng mga “genetically superior carabaos” sa ilalim ng Bufallo Production Program sa mga miyembro ng kooperatiba, na palawakin ang kaalaman, kasanayan, at kahandaan ng mga miyembro sa wastong pag-aalaga, pamamahala, at pagpaparami ng kalabaw bilang kabuhayan at mapagkukunan ng dagdag na kita.

Sa loob ng apat na araw, tinalakay ng mga resource persons mula sa PCC ang mahahalagang paksa tulad ng tamang pangangalaga sa kalabaw, wastong pagpapakain, kalusugan at pag-iwas sa sakit, pagpaparami, at mga makabagong pamamaraan sa buffalo production at management. Nagkaroon din ng Social Preparation na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagkakaisa, kooperasyon, pananagutan, at aktibong partisipasyon ng mga miyembro upang maging matagumpay ang pagpapatupad ng programa sa kanilang kooperatiba.

Ang pagsasanay ay inisyatibo ng Managos Farmers Agriculture Cooperative at naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng LGU-Bayambang, sa pamamagitan ng Municipal Cooperative Development Office (MCDO) at Municipal Agriculture Office (MAO), na patuloy na sumusuporta sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at pagpapalakas ng mga kooperatiba sa bayan.

Nagpahayag ng pasasalamat ang mga kalahok sa PCC at sa LGU-Bayambang sa pagbibigay ng makabuluhang kaalaman at teknikal na pagsasanay. (MCDO; MCDO)