Makabagong Sistema ng mga Document and Records Disposition Schedule, Tinalakay

Sa layuning gawing mas mabilis at maayos ang pag-proseso ng mga dokumento, nagtipun-tipon ngayong araw, ika-12 ng Mayo 2026, ang mga department head, Document Control Custodian, at Internal Quality Auditor.

Sa espesyal na pulong na ito na inorganisa ng ICT Office, pormal na inilatag ang Modernized Document Management System ng LGU.

Kasabay nito, tinalakay ang mga bagong panuntunan sa Records Disposition Schedule upang magkaroon ng malinaw na gabay ang bawat opisina kung gaano katagal dapat itago ang mga dokumento bago ang mga ito i-archive o i-dispose alinsunod sa batas.

Ang Modernized Document Management System ng LGU ay isang coded website na binuo ng mga on-the-job trainees ng ICT Office mula sa Universidad de Dagupan na sina Arvin Denver A. Siapno at Angelo Gabriel E. Cayabyab, kasama si Renz Philip Pariñas ng PhilCST.

Ito ay bahagi ng misyon ng lokal na pamahalaan na iwanan ang makalumang paper-based transactions tungo sa mas makabago at episyenteng serbisyo publiko. (KBP/RSO; AG)