Maiinit na Isyung Pangkabataan, Kababaihan, at 4Ps, Tinutukan sa 4Q LCPC-LCAT-VAWC-MAC Meeting

Sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, pinangunahan ni Dr. Rafael Saygo ang pinag-isang ika-apat na quarterly meeting ng Local Council for the Protection of Children (LCPC), Local Committee on Anti-Trafficking and Violence against Women and their Children (LCAT-VAWC), at Municipal Anti-Drug Council (MAC) ngayong araw, ika-25 ng Pebrero 2026, sa Mayor’s Conference Room.

Sa pulong na ito, na dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang departamento ng munisipyo, inilahad ng kinatawan ng Bayambang Police Station ang accomplishment report ng ahensya para sa ika-apat na quarter ng 2025, kung saan kanyang binigyang-pansin ang pagtaas ng ilang kaso tulad ng mga insidente ng pagpapakamatay ng mga menor de edad, sekswal na pang-aabuso, at pagnanakaw.

Tinalakay rin ang mga usapin kaugnay ng pagpapatupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), kabilang ang bagong resolusyon ukol sa Lifeline Rate Subsidy ng CENPELCO para sa mga 4Ps members at iba pang marginalized sectors na nangangailangan na ang account ay nakapangalan sa benepisyaryo mismo.

Ipinaliwanag din ang transisyon ng programa mula sa batay sa sambahayan patungong batay sa pamilya bilang yunit ng interbensyon, gayundin ang planong pagrerehistro ng mga bagong benepisyaryo sa Marso 2026.

Sa kabuuan, naging makabuluhan ang pagpupulong dahil sa mga hakbang at programa na pinagtibay para sa mas maayos at epektibong serbisyo para sa mga pamilya at kabataan ng Bayambang. (Arianne Angel A. Villanueva/VMF/RSO; JMB)