Magsasakang Bayambangueño, Nag-ani ng Papremyo’t Surpresa sa Farmer’s Day 2024; P1M, Ibinuhos ni Mayor Niña sa Raffle Prizes

ni: Pia Yvonne A. Casingal

Inibsan pansumandali ang pagtitiis ng mga magsasaka sa matinding sikat ng araw nang sila’y handugan ng samu’t saring mga papremyo at sorpresa bilang pagbibigay pugay sa sipag at tiyaga ng mga binansagang bayani ng kabukiran, sa ginanap na Farmer’s Day 2024 sa Balon Bayambang Events Center, Abril 1, 2024.

Bumuhos ang mga papremyo sa iba’t ibang patimpalak na isinagawa at raffle draw na inilaan lamang para sa kanila gaya ng mga saku-sakong bigas, pataba, payong, at sling bags. Naglalakihang cash prize ang ipinamudmod din sa mga dumalong magsasaka sa naturang pagdiriwang na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng isang milyong piso mula sa sariling bulsa nina Mayor Niña Jose-Quiambao at Special Assistant to the Mayor, Dr. Cezar T. Quiambao.

Tumagatagingting na P50,000 cash ang napanalunan ng isang magsasaka mula Barangay Caturay, habang pinalad naman ang 200 pang magsasaka na makakuha ng tig-P5,000 at mahigit 50 magsasaka ang napiling makatanggap ng tig-P1,000 sa raffle draw na isinagawa.

Samantala, ibinida ng bawat distrito ang kani-kanilang mga pananim at produkto sa Booth-Making Contest, kung saan nakatanggap ng P30,000 ang ika-7 Distrito na nagkamit ng unang parangal; P20,000 ang ika-2 Distrito, ikalawang parangal; at P10,000 ang ika-6 Distrito, ikatlong parangal.

Naghandog din ng mga special award ang LGU Bayambang kabilang na rito ang Golden Farmer Award para sa mga magsasakang nakapagpatapos ng kani-kanilang mga anak bilang nurse, engineer, Air Force, at Certified Public Accountant nang dahil sa pagsasaka.

Nagkaroon din ng tagisan sa “Talentadong Magsasaka,” kung saan ipinamalas ng mga magsasakang Bayambangueño ang itinatago nilang talento sa pagkanta, pagsayaw, at pag-arte na kinagiliwan ng marami, kaya naman may nag-uwi ng P15,000 para sa unang gantimpala, at P10,000 at P5,000 para sa ikalawa at ikatlong gantimpala. Isang libong piso naman ang ibinagay bilang consolation prize.

Naglaban-laban din ang iba’t ibang distrito sa “Pinaka-pinaka” na nagpalakihan, nagpabigatan, at nagpahabaan ng mga gulay gaya ng sibuyas, malunggay, siling haba, patola, kamoteng kahoy, upo, ampalaya, at gabi. Ang mga nanalo ay ginawaran ng sertipiko at isang-libong piso.

Ang lahat ng mga ipinamigay na papremyo’t sorpresa ay mula sa sariling bulsa nina Mayor Niña Jose-Quiambao at dating Mayor Cezar T. Quiambao kasama rin ang iba pang mga sponsors na sina Congresswoman Rachel ‘Baby’ Arenas, Board Member Vici Ventanilla, AILC, E-Agro, at marami pang iba.

Kaugnay sa tema ng town fiesta na “Maganganan Bayambang: Nidumaduma” (Beautiful Bayambang: A Class of Its Own), binigyang pugay ni Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, Municipal Administrator, ang mga magsasaka sapagkat isa sila aniya sa mga rason kung bakit maganda ang Bayambang.

Pinasigla naman ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang mga magsasakang Bayambangueño sa pag-anyaya niya sa kanila na isigaw ang mga katagang “Mayaman ako! Mayaman ako! Mayaman ako!” dahil aniya hindi lamang sa pera ang yaman kundi sa mga pagmamahal at biyaya ng Panginoon para sa lahat.

Umuwi ang mga nakiisa sa selebrasyon ng Farmer’s Day 2024 nang may ngiting nakakabit sa kanilang mga labi, galak sa kanilang mga puso, at bitbit na iba’t ibang mga papremyo.

Ang pagkilalang ito sa mga masisipag na magsasaka ay tanda na kaisa ang bawat Bayambangueño sa pagsusulong ng agrikultura sa bayan.

(larawan nina: Princess Ronalyn Junio, Meil Mary delos Santos)