Maayos at Ligtas na Tanggapan, Tinalakay sa Seminar

Bilang bahagi ng layunin ng lokal na pamahalaan na mapanatili ang kaligtasan, kalusugan, at kaayusan sa pinagtatrabahuhan ng mga kawani ng gobyerno, nag-organisa ang HRMO at MDRRMO ng isang seminar hinggil sa “Safe and Conducive Workplace,” at ito ay ginanap sa Balon Bayambang Events Center noong ika-30 ng Nobyembre.

Ayon na rin sa pambungad ni Vice Mayor Ian Camille Sabangan, ang seminar ay tumalakay sa “strategies, best practices, and insights in an environment where every individual is secured and also towards building a workplace that thrives on safety and inclusivity.”

Nagbigay ng kanilang mga kaalaman at karanasan ang mga resource speaker na sina Mastery Consultancy OPC Leopoldo R. Rausa Jr., OSH Consultant Rodolfo G. Abad, OSH Practitioner Jeffrey Corpuz, at OSH Consultant Ashley Katryn Campos.

Kabilang sa naging paksa ang “Safe and Conducive Workplace,” “Safe Driving,” “Construction Accidents (per RA 11058, DO 13-1998, DO 128-13),” “Healthy Environment: Ergonomics & Mental Health,” at “Warehouse Safety and Housekeeping.”

Naging interaktibo ang seminar dahil sa open forum at aktibidad para mai-apply ng mga kawani ang kanilang mga natutunan.

Sa huling bahagi, nirebyu ni MDRRMO head Genevieve U. Benebe ang mga mahahalagang konseptong tinalakay.

Sa ganitong mga pagsasanay, inaasahan na mas magiging handa ang bawat kawani upang mapanatiling maayos at ligtas ang kani-kanilang tanggapan o lugar ng pinagtatrabahuhan.

(Khim Ambrie L. Ballesteros/RSO; Photo: Jayvee Baltazar)