Hindi nagpahuli ang malikhaing lutong-Bayamabang sa pagsisimula ngayong Setyembre 17 ng ALIGWAS BUZZNESS EXPO ’25 Food Innovation Bazaar, isang tatlong-araw na pagtitipon na magtatapos sa Setyembre 19, na matatagpuan sa PSU Bayambang Campus Grounds.
Tampok dito ang mga pagkaing hinubog ng tradisyon ngunit pinayaman ng makabagong teknolohiya, kasama ang iba’t ibang produkto mula sa iba pang bayan ng Pangasinan.
Sa pagtutulungan ng Pangasinan State University–DOST Food Innovation Center (FIC) at mga lokal na entrepreneur, layunin ng expo na ipakita kung paano maaaring pagsamahin ang kultura at agham upang makalikha ng mga de-kalidad at makabagong produktong handang pumasok sa mas malawak na merkado.
Mula sa mga tradisyonal na kakaning may modernong twist hanggang sa bagnet bagoong at mga plant-based snack, ay naging patunay ang mga ito na kayang makipagsabayan ng mga produktong Bayambangueño sa larangan ng food innovation.
Ayon sa pamahalaang bayan, ang paglahok sa expo ay hindi lamang pagpapakilala ng sariling lasa kundi isang hakbang upang suportahan ang maliliit na negosyante. (Wrensly M. Calimlim; WMC)











