LUMALAKO 2026 ng BPC, Hatid ang Inobasyon sa Agrikultura at Negosyo

Nagsimula na ang “LUMALAKO 2026,” ang dalawang araw na aktibidad ng Bayambang Polytechnic College (BPC) na naglalayong linangin ang kakayahan ng mga mag-aaral bilang “studentpreneurs” sa larangan ng agrikultura at negosyo, nitong Mayo 4–5, 2026.

Ayon kay BPC President, Dr. Rafael L. Saygo, ang aktibidad ay isang pagpupugay sa mahalagang ambag ng sektor ng agrikultura at negosyo sa pagpapaunlad ng bayan, sa pamamagitan ng pagpapakita ng inobasyon, kasanayan, at malikhaing ideya ng mga kabataan.

Sa unang araw, nagbigay ng seminar si RHU I Nurse Mark Darius Gragasin ukol sa self-care at sexual self, at si RHU I Physician Consultant, Dr. Mariz Cabuag, ukol sa physical wellbeing bilang bahagi ng holistic development ng mga kalahok.

Kasunod nito ay isang entrepreneurial showcase, kung saan ipinamalas ang iba’t ibang produkto at ideyang pangnegosyo ng mga mag-aaral.

Inaasahan namang mas paiigtingin ang mga aktibidad sa ikalawang araw sa pamamagitan ng market research innovation expo, agricuisine o ang malikhaing pagluluto gamit ang mga lokal na produktong agrikultural, fruit carving contest, at dish gardening.

Tatampok din ang business pitch competition, gayundin ang fun run at zumba na magdadagdag ng sigla sa programa.

Ipinahayag din ang suporta nina Mayor Niña Jose-Quiambao at ni SATOM, Dr. Cezar T. Quiambao, sa mga ganitong inisyatiba na humuhubog sa kabataan bilang susunod na mga innovator at entrepreneur, kasabay ng pagpapalakas sa agrikultura at lokal na ekonomiya.

Layunin ng LUMALAKO 2026 na paunlarin ang inobasyon at entrepreneurial mindset ng mga mag-aaral tungo na rin sa pag-unlad ng Bayambang. (WMC; RobC – 1st 4 photos; JMB)