Bilang patuloy na suporta sa pagpapalakas ng kalidad ng edukasyon, nagkaloob ang Local School Board (LSB) ng mga printer at laptop na nagkakahalaga ng P1,272,780 mula sa Special Education Fund (SEF) para sa mga pampublikong paaralan sa Bayambang.
Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Niña Jose-Quiambao, patuloy na pinatitibay ang suporta sa sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga kagamitang makatutulong sa mas mahusay na pagtuturo, pagkatuto, at paghahatid ng serbisyo sa mga paaralan.
Tinanggap ng mga school head at kinatawan ng mga paaralan ang kabuuang 36 printers at 18 laptops.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga eskwelahan ng Bayambang I na tumanggap ng 32 printers at 2 laptops, Bayambang II na pinagkalooban ng 1 printer at 14 laptops, at Don Teofilo Mataban Memorial School na tumanggap ng 3 printers at 2 laptops.
Ang pamamahagi ng mga kagamitan ay bahagi ng inisyatibang isinulong ng yumaong Sangguniang Bayan Member at Chairperson ng Committee on Education, Councilor Jan Nazer David B. Junio, katuwang si LSB Executive Director Rolando Gloria, upang higit pang masuportahan ang mga pangangailangan ng mga pampublikong paaralan sa bayan. (LFA/RSO; RobC, AG)






