Muling nagkaloob ang Local School Board (LSB) ng Bayambang ng iba’t ibang kagamitan at pasilidad sa mga paaralan sa ilalim ng DepEd Bayambang I at DepEd Bayambang II, bilang bahagi ng patuloy na pagsuporta ng lokal na pamahalaan sa pagpapabuti ng kalidad ng edukasyon at kapakanan ng mga mag-aaral at guro.
Kabilang sa mga ipinagkaloob sa DepEd Bayambang I at II ang mga office supplies na nagkakahalaga ng ₱92,936 at ₱45,028 upang makatulong sa pang-araw-araw na administratibong gawain ng mga paaralan.
Naglaan din ang LSB ng 30 units ng prefabricated handwashing sa 30 paaralan na may kabuuang halagang ₱294,000, na layuning palakasin ang kalinisan at kalusugan ng mga mag-aaral sa loob ng mga paaralan.
Bukod dito, nagbigay rin ang LSB ng mga office equipment na nagkakahalaga ng ₱56, 000 na makatutulong sa mas maayos at episyenteng pagpapatupad ng mga gawain sa paaralan.
Ayon sa pamahalaang lokal, ang pinambili sa mga donasyong ito ay galing sa mga buwis ng mamamayan at bahagi ng patuloy na inisyatiba ng LSB ng Bayambang na suportahan ang sektor ng edukasyon at tiyakin na ang mga paaralan ay may sapat na kagamitan at pasilidad para sa kapakanan ng mga guro at mag-aaral.
Patuloy namang nagpahayag ng pasasalamat ang mga opisyal ng DepEd Bayambang I at II sa pamahalaang bayan sa pangunguna ng Local School Board sa kanilang tuluy-tuloy na suporta sa pagpapaunlad ng edukasyon sa bayan. (RSO; LSB)






