Local Meat Vendors at Butchers, Pinulong ukol sa Food Safety

Pinulong ng Municipal Slaughterhouse ang local meat vendors at butchers, upang sila ay bigyan ng panibagong paalala at mga dagdag-kaalaman ukol sa food safety noong Pebrero 26, 2026 sa Bayambang Central Terminal, Zone VI.

Ang naturang programa ay pinangunahan ni Municipal Slaughterhouse head, Luz B. Cayabyab, sa ilalim ni Atty. Justine S. Alvarez, kung saan pinalakas ang kaalaman ng mga lokal na meat vendors at butchers hinggil sa wastong paghawak at kaligtasan ng karne.

Sa kanyang mensahe ng pagbati, binigyang-diin ni Roberto DC. Benitez, Municipal Meat Inspector, ang kahalagahan ng pagsunod sa pamantayan ng meat inspection at food safety upang matiyak ang kalusugan ng mamamayan.

Sa ikalawang bahagi ng programa ukol sa “Food Safety para sa Meat Handlers,” tinalakay ni Ms. Raquel Retonio, Meat Inspector III ng National Meat Inspection Service – Regional Technical Operation Center 1 (NMIS RTOC 1), ang mahahalagang alituntunin sa wastong paghawak ng karne.

Ipinaliwanag naman nina Dr. Rheanne C. Flores, Senior Meat Control Officer ng NMIS RTOC 1, ang nilalaman ng DA AO No. 5 tungkol sa “Hygienic Handling of Newly Slaughtered Meat,” habang ibinahagi ni Ms. Mary Joy R. Dizon, Meat Inspector III ng NMIS RTOC 1, ang DA AO No. 6 hinggil sa “Hygienic Handling of Frozen, Chilled and Thawed Meat.”

Nagkaroon din ng open forum kung saan nabigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na magtanong at magbahagi ng kanilang mga karanasan at suliranin kaugnay ng kanilang hanapbuhay.

Sa kabuuan, naging kapaki-pakinabang ang nasabing information-education campaign sapagkat napalawak nito ang kaalaman ng mga lokal na meat vendors at butchers tungkol sa wastong pamantayan sa food safety, na mahalaga sa pangangalaga ng kalusugan ng bawat Bayambangueño. (RSO; Slaughterhouse)