Little Mr. & Ms. Balon Bayambang, Nagdala ng Kagalakan sa Pista’y Baley ‘25

Bumida ang mga chikiting sa ginanap na grand coronation ng Little Mr. & Ms. Bayambang 2025 sa Events Center bilang bahagi ng Pista’y Baley 2025 noong April 1.

Matapos ang matinding labanan, itinanghal bilang Little Mr. Bayambang 2025 si Markus Jacob Lasquite ng barangay Buayaen at Little Ms. Bayambang 2025 na si Rhed Izumi Castañares ng barangay Zone VI.

Binigyang-diin ni Municipal Administrator at Overall Committee Chairperson Atty. Rodelyn Rajini Sagarino-Vidad sa kanyang pambungad na pananalita ang kahalagahan ng kompetisyong ito sa paghubog ng mga kabataang Bayambangueño. Aniya, nakita niya mismo kung paano nagbago at nagkaroon ng kumpiyansa ang mga kalahok mula sa pagiging mahiyain noong simula hanggang sa kanilang pag-unlad sa bawat ensayo at pagtatanghal.

“I’ve seen them noong umpisa po mahiyain pa ng konti but as they progressed throughout this competition, during practice, nag-blossom po ang kanilang mga personality,” ani Atty. Vidad. Idinagdag pa niya na ang 22 batang kalahok ay hindi lamang simpleng contestants kundi kinabukasan ng Bayambang, kung saan bawat isa ay may kakaibang talento, kuwento, at potensyal upang maging mga lider ng bayan.

“This competition is an opportunity for them to express themselves, build confidence, and cultivate friendships that will last a lifetime… To our young contestants, I want to remind you that you are all stars today. Shine brightly, enjoy every moment, and know that regardless of the outcome, you are already winners in our hearts,” dagdag pa nito.

Nagbigay din ng mensahe si Mayor Mary Clare Judith Phyllis Jose-Quiambao, na nagpahayag ng kanyang pagpapahalaga sa mga batang kalahok. “Ang mga batang ito ay yaman ng ating bayan,” aniya, at binigyang-diin na ang pinakamahalaga sa lahat ay ang pagkakaibigan na nabuo sa kompetisyong ito, hindi lamang ang titulo o premyo. Pinayuhan din niya ang mga magulang na patuloy na suportahan ang kanilang mga anak at gawing ligtas at harmonioso ang kanilang kapaligiran.

Sa pangunguna nina Sergio Delos Santos bilang pageant director at Limgas Grand Jenesse Viktoria Mejia, former Binibining Bayambang bilang kanyang co-host, naging mas organisado at masaya ang daloy ng programa. Sa kanilang paggabay, naipamalas ng mga kalahok ang kanilang husay sa bawat segment ng kompetisyon, mula sa talent portion hanggang sa pagrampa at question-and-answer round.

Samantala, itinanghal bilang 1st Runner-Up sina Angel Jarence Austria ng barangay Ligue at Kai Rui Liwanag ng barangay Poblacion Sur. Nakamit naman nina Kashii Dreii Galsim ng barangay Zone ll at Isabela Mihaela Dumitru ng barangay Magsaysay ang 2nd Runner-Up.

Bukod sa pagkuha ng pangunahing titulo, nagwagi rin si Rhed bilang Top Model Award, Best in Talent, Best in Long Gown, at Best in Summer wear, habang si Markus ay kinilala bilang Little Mr. JKQMWC 2025, Best in Formal wear, Best in Summer wear, Best in Talent, at Bibo Kid, na lalong nagpatibay sa kanilang panalo.

Ipinagkaloob din ang iba pang special awards tulad ng Bibo Kid Award na tinanggap ni Arkiezia Azaleah Lao mula sa Zone I, Top Model Award na napanalunan ni Angel Jarence Austria mula sa Ligue, at Little Mr. Congeniality na tinanggap ni Den Marcus Ubando mula sa M.H. Del Pilar at Little Ms. Congeniality na itinanghal si Mira Khelle Lucero mula sa Ambayat 1st. Ang Little Ms. JKQMWC 2025 naman ay nakamit ni Jhonie Shaine Saygo mula sa Amanperez, habang ang Most Charming ay tinanggap nina Kashii Dreii Galsim mula sa Zone II at Ysthar Abellar mula sa Tatarac. Ang Most Adorable ay napanalunan nina Master Emman Bravo mula sa Zone V at Isabela Mihaela Dumitru mula sa Magsaysay, at ang Best in Smile ay iginiya ni Keero Perez mula sa Tambac at Jhonie Shaine Saygo mula sa Amanperez. Tinanggap naman nina Den Marcus Ubando mula sa M.H. Del Pilar at Apple Samantha Nepacina mula sa Buenlag 2nd ang Darling of the Crowd, at ang Mr. Centro Verde Choice Award ay napanalunan ni Kashii Dreii Galsim mula sa Zone II, habang ang Ms. Centro Verde Choice Award ay nakuha ni Isabela Mihaela Dumitru mula sa Magsaysay.

Kasama sa mga hurado ng patimpalak sina Cecille Jimenez lll, Izzy Niña Bernardino, at Mrs. Luella Aquino-Quiambao, na nagsilbing mga tagapamili sa buong kompetisyon at nagbigay ng makatarungan at maingat na pagsusuri sa mga kalahok.

Kabilang sa mga dumalo sa patimpalak ang ilang espesyal na panauhin, kabilang ang ama ng kasalukuyang punong bayan at mga kapatid ng dating mayor. Naroon din ang Little Mr. Bayambang 2024 na si Clark Kent Zion Tapiador at Little Ms. Bayambang 2024 na si Brilliant Diamond Tulagan upang ipasa ang kanilang titulo sa mga bagong kampeon. Samantala, nagbigay ng espesyal na pagtatanghal si Little Mr. Bayambang 2023 Sven Alchemist Geslani Dela Cruz sa pamamagitan ng kanyang pagkanta.

Bilang tanda ng pagpapahalaga at suporta sa mga kalahok, ipinagkaloob ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang mga regalo para sa lahat ng batang kalahok. Ang mga regalong ito ay hindi lamang isang simpleng handog kundi isang paalala na bawat bata ay isang panalo sa puso ng lahat. Ipinapakita nito ang kanyang pasasalamat sa kanilang pagsisikap at talento, na nagbigay ng kasiyahan at inspirasyon sa buong komunidad ng Bayambang.

Ang Little Mr. at Ms. Bayambang 2025 ay patunay ng talento, talino, at pangarap ng kabataang Bayambangueño.

Isinulat ni: Mielcher DC. Delos Reyes

Mga Larawan ni: Raxle D. Mangande, Euro S. Gumahin at JV Baltazar

Inedit ni: Mr. Frank Brian S. Ferrer

#TeamQuiambaoSabangan

#TotalQualityService

#NiñaaroTaKa