nina: Mark Angelo C. Gomez at Rhouldan C. Manzano
Binalot ng musika at kinulayan ng saya at ganda ang pangunahing lansangan ng bayan ng Bayambang sa pagbubukas ng 410th Pista’y Baley na mainit na sinalubong ng humigit-kumulang limang libong Bayambangueño, at mga bisitang galing sa ibang bayan sa ginanap na street parade nitong ika-1 ng Abril na may temang, “Magangganan Bayambang: Nidumaduma.”
Tampok sa nasabing street parade ay ang street dancing presentation ng mga mag-aaral mula sa iba-t-ibang paaralan sa bayan na pinatingkad ng makukulay at kumukuti-kutitap na kasuotan, mga naggagandahang kandidata ng Binibining Bayambang 2024 suot ang kanilang mga creative costumes, mga bibong chikiting ng Little Mr. and Ms. Bayambang, at ang nakaiindak na tugtugin ng drum and bugle mula sa mga respetadong unibersidad sa lalawigan, ang Virgen Milagrosa University Foundation, University of Luzon, at Urdaneta City University na nagpamalas ng kani-kanyang estilo at pakulo habang tumutugtog.
Nakiisa rin sa nasabing gawain ang mga guro mula sa District 1 at 2 sa pangunguna ng kanilang PSDS, pribadong paaralang kolehiyo, mga kawani ng lokal na pamahalaan, at gayundin ang teaching staff ng District I at 2 at ng dalawang kolehiyo sa bayan, gayundin ang mga Punong Barangay at mga SK Chairperson.
Matapos ang parada, opisyal na binuksan ang kapistahan sa isang magarbong programa na ginanap sa harapan ng munisipyo sa pangunguna ng butihing Mayora Niña Jose Quiambao. Ayon sa kanya, “Sa kabila ng madilim na paligid, gagawa at gagawa tayo ng paraan to let our lights shine bright through our own unique little way.”
Ayon naman sa bise-alkalde ng bayan na si Hon. Ian Camille C. Sabangan, DPA, “Ang kapistahan ng bayan ang nagsisilbing salamin na nagpapakita sa mayamang kasaysayan ng bayan ng Bayambang.”
Binigyang-diin nila ang pagiging bukod-tangi ng bayan na kanilang binansagang “Beautiful Bayambang: A Class of its Own”
Nagtapos ang maikling programa para sa pagbubukas ng pagdiriwang sa isang tugtugan hatid ng Avant Music band, kung saan magiliw na nakikanta at nakisayaw ang bawat dumalo sa naturang programa.
Bago ang nasabing street parade, ginanap ang isang banal na misa sa Balon Bayambang Events Center na dinaluhan ng mga opisyales ng bayan at mga kawani. Naglagay ng mga LED screen sa ilang lugar sa labas ng gusali upang makadalo sa banal na misa ang iba. Sa homiliya ay binigyang halaga ng nagsermon na pari ang tamang paggamit ng salapi. “Ang pera ay napakahalaga, ngunit may mga bagay sa mundo na hindi nabibili ng pera.”
Naging maayos ang daloy ng nasabing pagbubukas ng kapistahan dahil na rin sa pinagsamang pagganap sa tungkulin ng mga miyembro ng Philippine National Police, Bayambang Public Safety Office, Bureau of Fire Protection, Municipal Disaster Risk Reduction Office at iba pang force multiplier.
Ang nasabing pagbubukas ay naging matagumpay dahil sa organisadong pagpaplano ng opisina ng Municipal Tourism Information and Cultural Affairs Office sa pangunguna ni Dr. Rafael L. Saygo.
Tunay nga na ang pagdiriwang ng kapistahan ay simbolo ng nag-uumapaw na biyaya at pagpapala mula sa Maykapal. Viva San Vicente Ferrer!
(larawan nina: Anne Bridgette Ilagan, Reymark Bumatay, Ron Ichiro Villanueva)