Isa na namang mahalagang tagumpay sa larangan ng serbisyong pangkalusugan ang naitala ng bayan ng Bayambang matapos pormal na makuha ng Rural Health Unit (RHU) ang License to Operate (LTO) mula sa Department of Health (DOH) para sa Secondary Clinical Laboratory at Municipal Birthing Home Facility nito.
Ang pagkakaloob ng lisensya ay patunay na natugunan ng mga pasilidad ang mahigpit na pamantayan ng DOH sa operasyon, kalidad ng serbisyo, kaligtasan ng mga pasyente, at kahusayan sa pagbibigay ng mga pagsusuring medikal at maternal care.
Sa pamamagitan ng bagong lisensyadong Secondary Clinical Laboratory, mas mapapalawak ang access ng mga Bayambangueño sa de-kalidad at maaasahang laboratory services. Katumbas na ito ng mga serbisyong iniaalok ng mga ospital na may clinical laboratory, na may kasiguruhan sa tamang proseso at mataas na kalidad ng diagnostic results.
Samantala, kinilala rin ng DOH na nakasunod ang Municipal Birthing Home Facility sa lahat ng kinakailangang pamantayan para sa ligtas at maayos na pangangalaga sa mga ina at sanggol. Inaasahang higit pang mapapalakas nito ang programa ng bayan para sa maternal at child health.
Mahalaga ring hakbang ang pagkakaroon ng DOH License to Operate sapagkat ito ang pangunahing rekisito para sa pagkuha ng PhilHealth accreditation, na siyang magbibigay-daan upang mas marami pang residente ang makinabang sa mga serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng mga benepisyong saklaw ng PhilHealth. (RSO; RHU) See less

