Sa patuloy na pagsusulong ng kalusugang pang-dental ni Mayor Nina Jose-Quiambao, muli na namang gumawa ng kasaysayan ang oral health team ng Municipal Health Office (MHO) matapos ang matagumpay na pagsasagawa ng kauna-unahang municipal-wide toothbrushing drill noong Pebrero 3, 2025, eksaktong ala-una ng hapon.
Ang lahat ng partisipante ay inabisuhang magpost sa social media ng kanilang video o selfie ng nasabing aktibidad, gamit ang mga hashtag na #BayambangOralHealthMonth2025 at #NationalToothBrushingDay.
Nakilahok ang mga Bayambangueño sa 1st Toothbrushing Marathon bilang pakikiisa sa aktibidad na National Toothbrushing Day 2025, na bahagi naman ng pagdiriwang ng National Oral Health Month, kung saan sabay-sabay ang lahat na nagsepilyo ng kanilang ngipin saanman sila naroroon.
Naitala ang libu-libong participants mula sa iba’t ibang sektor—mula sa mga estudyante at guro sa paaralan, hanggang sa mga empleyado, magulang, at senior citizens sa kani-kanilang tahanan.
Ayon sa overall organizer na si Municipal Dentist, Dr. Dave Francis Junio, 90% ng mga nakilahok ay ang lahat ng 77 Child Development Centers, kabilang na ang mga learners at kanilang mga magulang.
Kasama ni Dr. Junio sa pilot toothbrushing drill na ginanap sa Bical Norte CDC si Philippine Dental Association – Pangasinan Chapter President, Dr. Beah Bautista.
Ang aktibidad na ito ay naglalayong ipaalala sa publiko, lalo na sa mga kabataan, ang kahalagahan ng tamang pangangalaga sa ngipin upang maiwasan ang tooth decay at iba pang oral health problems. (KALB/RSO; photos: JMB; various agencies)