Libreng Serbisyong Medikal at Feeding Activity, Isinagawa sa Brgy. Paragos ng CSOs at MNAO

Isinagawa noong Disyembre 7, 2025 ang isang malawakang medical mission sa Barangay Paragos upang maghatid ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga residente, lalo na sa mga nangangailangan ng agarang konsultasyon at gamot.

Nanguna rito ang BARMEC o Bayambang Royalty Matikas Eagles Club, katuwang ang Gabriel Medical Clinic, sa pamumuno ni Dr. Roberto Gabriel, at ang Gabs Pharmacy Cooperative Store at sa pakikipag-ugnayan sa Municipal Nutrition Action Office (MNAO).

Naghandog ang team ng iba’t ibang health services gaya ng medical check-up, basic laboratory assessment, at pamimigay ng libreng gamot.

Bukod dito, isinagawa rin ang feeding activity para sa mga bata at mga dumalo mula sa komunidad, upang matiyak na may sapat silang nutrisyon at dagdag-lakas sa gitna ng araw ng serbisyo.

Maraming residente ang dumalo at nakinabang sa programa, na isinagawa sa ligtas at maayos na daloy upang mabigyan ng de-kalidad na serbisyo ang bawat pasyente.

Ang ganitong inisyatiba ay patunay ng mas pinatibay na ugnayan sa pagitan ng komunidad at mga katuwang na organisasyon para sa mas malusog, mas masigla, at mas maunlad na Bayambang. (RSO; MNAO)