Library Tour at Storytelling, Tampok sa 67th Public Library Day

Nagtipon ang mga mag-aaral mula sa Municipal Child Development Center sa Municipal Library Office ngayong araw, Marso 26, 2026, para sa pagdiriwang ng 67th Public Library Day, na kinatampukan ng isang library tour, storytelling, art activities, at fun and games.

Sa ilalim ng pangangasiwa ni Atty. Melinda Rose R. Fernandez, OIC-Municipal Librarian, at pag-oorganisa nina Vanessa Terrado at Eduard Dulay Jr., naitampok ang isang storytelling session at gayundin ang isang library tour bilang pagpapakilala sa mga pasilidad ng silid-aklatan.

May aktibidad din ukol sa sining at laro, kabilang ang pagkukulay, craft-making, at mga mini-games na enjoy na enjoy ng mga tsikiting.

Sa temang “Library Tour and Learning Activities for Children,” binigyang-diin ng programa ang kahalagahan ng isang public library at pagbabasa sa murang edad, at ang diwa na ang maagang pag-aaral at pagkatuto ay naisasagawa sa isang masaya at nakawiwiling paraan. (John Patrick A. Tabuga/RSO; AG)