LGU Sportsfest 2023, Pormal na Binuksan

Noong September 25, 2023, ginanap ang opening program ng LGU Sportsfest 2023, kung saan ito ay sinimulan sa simpleng parada sa pag-oorganisa ng mga miyembro ng Sports Committee sa pangunguna ni Dr. Rafael L. Saygo.

Naroon naman ang limang koponan na kinabibilangan ng Team Luntian, Team Sinaglahi, Team Masigasig, Team Marangal, at Team Mandirigma.

Ang pagbubukas ay agad namang sinundan ng maikling programa sa Balon Bayambang Events Center, kung saan nagbigay ng kani-kanilang pambungad na mensahe sina Vice-Mayor Ian Camille Sabangan, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, at Dr. Rafael L. Saygo ukol sa tunay na diwa ng naturang sportsfest, ang pagsulong ng camaraderie at sportsmanship na siya naman talagang makikita sa bawat team ng naturang sportsfest.

Pagkatapos ng flag raising ng bawat team sa pangunguna ng kani-kanilang Muse at Adonis, sinundan naman ito ng Oath of Sportsmanship na pinangunahan ng Most Valuable Player ng 2022 na si Rex Chico mula sa Sinaglahi.

Nagkaroon din ng torch lighting na sumisimbolo sa totoong espiritu ng naturang paligsahan.

Napuno naman ng masasayang hiyawan ang venue dahil mayroong pa-cash prize mula kay Chief Executive Assistant Carmela Atienza-Santillan para sa Most Active Team na tumataginting na P15,000, na nasungkit ng Team Luntian. Nag-uwi naman ng tig-P3,000 consolation prize ang apat na team.

Matapos nito ay opisyal namang binuksan ng Sportsfest Chairperson ngayong taon na si Dr. Saygo ang LGU Sportsfest 2023.

Sa kanyang pangwakas na mensahe, binigyang-diin ni Municipal Physical Fitness and Sports Development Council (MPFSDC) Executive Director, Ret. Prof. Bernardo Jimenez, ang tema sa taong ito na, “Sa Pamilyang Nagkakaisa at Aktibo, Magsisimula ang Pagbabago.”