Isang seminar ukol sa Road Safety at Safe Spaces Act (RA 11313) ang isinagawa ng Bayambang Public Safety Office (BPSO) upang palakasin ang kaalaman at kasanayan ng mga mamamayan hinggil sa mga panukala at hakbang para sa road safety at safe spaces.
Ang seminar ay dinaluhan ng mga representante ng bawat departamento ng LGU at mga TODA Presidents noong September 20, 2024, sa Balon Bayambang Events Center.
Bilang guest lecturer, nagbahagi ang LTO, Highway Patrol Group, at PNP ng kanilang expertise at pananaw sa mga usaping pangkaligtasan sa daan at mga pampublikong lugar.
Inilahad nila ang kahalagahan ng pagsunod sa road safety protocols at ang mga hakbang na puwedeng gawin ng bawat indibidwal upang makaiwas sa mga aksidente.
Nagbigay din sila ng mga praktikal na payo at mga epektibong estratehiya para sa pag-iwas at pagharap sa mga isyu at hamon ng road safety at safe spaces, gaya ng pagiging alerto at maingat habang nasa kalsada, at pakikipagtutulungan sa mga awtoridad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mga pampublikong lugar.
Sa pamamagitan ng seminar na ito, patuloy na naghahasa at napapalakas ng LGU-Bayambang ang kampanya nito para sa ligtas at mapayapang komunidad. (Angel P. Veloria/RSO; AG)