LGU Employees, Binigyang Pugay ni Mayor Niña sa Pista’y Baley 2025

Isang gabi ng pasasalamat at pagbibigay-dangal ang isinagawa ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang sa pangunguna ni Hon. Mayor Mary Clare Judith Phyllis ‘Niña’ Jose-Quiambao upang kilalanin ang sipag at dedikasyon ng mga empleyado ng Local Government Unit (LGU) Bayambang sa ginanap na LGU Employees’ Night noong Abril 2, 2025 sa Bayambang Municipal Plaza.

Mainit na pagtanggap ang ibinigay ni Municipal Councilor Mylvin T. Junio na nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat sa bawat empleyado ng bayan. Sinundan ito ng isang makabagbag-damdaming mensahe galing kay Vice-Mayor Ian Camille Sabangan.

Mula sa kanyang adhikain, nagpasalamat siya sa mga empleyado ng LGU sa walang sawang pagtatrabaho at dedikasyon na maglingkod sa mga Bayambangueño.

“Ang bawat pagsisikap mula sa mga maliliit na gawain hanggang sa malaking proyekto ay nagdudulot ng positibong pagbabago sa kamay ng bawat Bayambangueño,” pagdidiin niya.

Hindi naman nagpahuli at nagbahagi rin ng mensahe si dating alkalde at Special Assistant to the Mayor, Dr. Cezar Terrado Quiambao, ukol sa pagpapatuloy ng pag-unlad ng bayan sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap ng bawat mamamayan, lalo na ng mga lingkod-bayan. Naghatid din siya ng pangako sa mga Bayambangueño na, “Ipagpatuloy natin ang pagkakaisa para sa progresibong bayan ng Bayambang. Trabaho, imprastraktura, ekonomiya, establisyimento, agrikultura, at good governance ang nais kong isulong at paunlarin dito sa bayan ng Bayambang.”

Tampok sa bahagi ng programa ang nakakaantig na pahayag ng punong bayan na si Niña Jose-Quiambao. Sa kaniyang talumpati, inilahad niya ang kaniyang taos-pusong pasasalamat sa mga kasapi ng LGU-Bayambang para sa kanilang dedikasyon at pagmamahal sa kanilang bayan. “It is an honor to serve beside people who share the same love for Bayambang as mine,” saad ng alkalde ng Bayambang, Quiambao. “I commend each of you for your contribution in effectively carrying out our mandate of promoting good governance and progress for all our constituents” … “Your Municipal Mayor is forever grateful for your service,” dagdag pa nito.

Samantala, nakatanggap ng sertipiko ng pagkilala sa naturang selebrasyon ang ilang mga kawani ng gobyerno na may higit dalawang dekadang panglilingkod sa bayan ng Bayambang.

Lalong nag-alab ang kasiyahan nang magpasikat sa entablado ang OPM hitmaker na si Bugoy Drilon sa pagpapatuloy ng makulay na pagdiriwang. Dagdag pa rito, laking tuwa ng mga lingkod-bayan nang maharana sila ng kanilang mga paboritong kanta.

Bukod sa katuwaan, bumaha rin ng papremyo sa engrandeng raffle draw. Iba’t ibang regalo ang ipinamigay, kabilang ang home appliances, kitchen essentials, at comfort items at cash prize na umabot ng P500,000.00 na mula sa sariling bulsa ni Mayor Niña.

Buhat ng makabago at tradisyunal na kasuotan, sumabak ang mga empleyado sa isang masiglang pagdalo at magarbong fashion show na lalong nagpakinang sa okasyon. Ibinida ng mga kababaihan ang kanilang eleganteng cocktail dresses, habang matikas at puno ng kumpiyansa ang mga kalalakihan sa kanilang smart casual attire. Sa bawat hakbang sa entablado, ipinakita nila ang kanilang natatanging personalidad at ang kahalagahan ng pagkakaiba-iba sa kanilang mga kontribusyon bilang lingkod-bayan.

Puno ng pasasalamat at inspirasyon ang mga manggagawa ng Bayambang pagdako sa kani-kanilang sariling tahanan. Ang kaganapan ay nagpatunay sa kanilang dedikasyon at pagkakaisa, na nag-udyok sa kanila para sa patuloy na progreso ng Total Quality Service.

Isinulat nina: Cris Maxim M. Viernes at Princess Roleen G. Quijalvo

Mga Larawan nina: Euro S. Gumahin, Raxle D. Mangande /Artemus Clyde DG. Dela Cruz/ Ace Gloria

Iniwasto ni: Mr. Frank Brian S. Ferrer

#TeamQuiambaoSabangan

#TotalQualityService

#NiñaaroTaKa