LGU-Bayambang, Tagumpay sa ISO Surveillance Audit; Continued ISO 9001:2015 Certification, Nakamit!

Sa gitna ng mga hamon at pagbabago, ang LGU-Bayambang ay nananatiling matatag sa layuning maghatid ng de-kalidad at di matatawarang serbisyo publiko para sa bawat Bayambangueño. Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Niña Jose-Quiambao ay muling nakamit ng LGU mula sa independent auditor na CPG Philippines ang “Continued ISO 9001:2015 Certification,” matapos magtamo ng mga positibong resulta sa katatapos na mid-year surveillance audit at magpakita ng “zero minor non-conformity” at “zero major non-conformity.”

Ang patuloy na pag-maintain ng ISO certification ay isang patunay na nasusunod ng LGU ang mga pamantayan sa implementasyon ng quality policy at mga established work procedures, ang mga naging batayan ng patuloy na pagbibigay ng mataas na antas ng kalidad ng serbisyo.

Isang matibay na patunay ito ng pagsusumikap ng LGU-Bayambang na mapanatili at mapabuti pa ang mga programa at serbisyo para sa kapakanan ng bawat Bayambangueño. Ang tagumpay na ito ay tagumpay ng bawat Bayambangueño, dahil ito ay isa pa ring hakbang patungo sa mas maunlad at mas progresibong Bayambang. (KLB/RSO; RSO, ICTO, MLO)