Sa pamamagitan isang groundbreaking ceremony, pormal nang sinimulan ang rehabilitasyon ng Carlos P. Romulo Bridge sa Barangay Wawa kasabay ng pagbubukas ng unang araw ng Pista’y Baley ngayong araw, Marso 31, 2025.
Mas kilala bilang Wawa Bridge na unang itinayo gawa sa kahoy noong 1945, ang Carlos P. Romulo Bridge ay pinasinayaan noong 1983 at huling isinailalim sa rehabilitasyon noong 2012. Ngunit noong Oktubre 12, 2022, bumagsak ang isang bahagi nito dahil sa overloading ng dalawang trak na sabay na dumadan dito. Nagdulot ito ng matinding abala sa transportasyon, komersyo, at pang-araw-araw na buhay ng mga apektadong mamamayan.
Sa pagkakaisang ipinamalas ng lokal at pambansang pamahalaan, katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH), opisyal nang sinimulan ang rehabilitasyon ng tulay upang maibalik sa dati ang mahalagang imprastrakturang ito.
Sa isang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang kasaysayan at kahalagahan ng tulay sa pag-unlad ng bayan:
“Bagama’t totoo na sa paglipas ng panahon at sa isang hindi inaasahang pangyayari ay bumagsak ang bahaging ito ng ating kasaysayan, sa tunay na diwa ng mga Bayambangueño, pinili nating bumangon mula sa hamon at nagkaisa upang maibalik ang tulay na naging bahagi ng ating pamumuhay at nagdala sa Bayambang tungo sa tagumpay.”
Pinasalamatan din niya ang Pambansang Pamahalaan, Pamahalaang Panlalawigan, at iba pang katuwang sa proyekto sa kanilang pagsisikap na maisakatuparan ang muling pagtatayo ng tulay:
“Sa bawat isa na nasa likod ng proyektong ito, tandaan ninyong ang inyong pananampalataya at dedikasyon ang nagdala sa atin sa puntong ito. Sama-sama tayong nagsikap, nagsakripisyo, at hinarap ang maraming pagsubok sa mahabang proseso ng pagpaplano upang likhain ang isang tulay na pinagsasama ang pamana ng nakaraan at pangako ng hinaharap.”
Dinaluhan ang seremonya ng mga opisyal ng DPWH, mga lokal na lider, at mga mamamayan ng Bayambang bilang pagpapakita ng suporta sa proyekto. Inaasahang sisimulan ngayong Abril ang rehabilitasyon ng tulay at matatapos sa lalong madaling panahon upang mapabilis ang pagbabalik ng normal na daloy ng trapiko at matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Sa kabila ng mga hamon na dulot ng panahon at pinsalang natamo sa pagguho ng tulay, nananatiling matatag ang lokal na pamahalaan sa kanilang pangakong muling itayo ang mahalagang imprastrakturang ito.
Sa suporta mula sa Pambansang Pamahalaan, Pamahalaang Panlalawigan, at iba’t ibang stakeholders, layunin ng rehabilitasyon na maibalik at mapabuti ang tulay upang matiyak ang pangmatagalang paggamit nito para sa susunod na mga henerasyon. Ang proyekto ay may pondong nagkakahalaga ng ₱260,684,791.22.
Sa pamamagitan ng matibay na pagtutulungan at walang humpay na determinasyon, positibo ang pananaw ng mga Bayambangueño na magiging matagumpay ang makasaysayang proyektong ito.
Written by: Ishbel Yumiko R. Cruz
Photos by: Raxle D. Mangande
Edited by: Mr. Frank Brian S. Ferrer