Ang LGU-Bayambang ay itinanghal ng DSWD na regional winner sa pinakahuling Regional Search for Model LGU Implementing the Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Sa ngalan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, tinanggap ni Councilor Jocelyn S. Espejo ang parangal, kasama ang MSWDO.
Sa kanyang testimonial speech, binigyang-diin ni Councilor Espejo ang kahalagahan ng “visionary, transformative leadership” at pakiisa ng lahat sa “whole-of-system approach” sa pagsawata sa problema ng kahirapan, na siyang istratehiya ng programang Rebolusyon Laban sa Kahirapan ng administrasyong Quiambao-Sabangan.
Bukod dito, ginawaran din ang LGU-Bayambang ng pagkilala sa pagpupunyagi nito sa pag-organisa at pagbibigay ng kapasidad sa 4Ps Youth Group ng Bayambang.
Kinilala rin ang Sancagulis BNS na si Analiza M. Natividad bilang provincial winner ng “Juana Malakas: Stories of Women Empowerment,” at ang Bayambang for Jesus Movement Inc. bilang huwaran sa pagbigay-suporta mula naman sa mga CSO.
Ang parangal ay ginanap ngayong araw, Oktubre 30, 2025, sa Star Monica Hotel, Resorts and Restaurant, Lingayen, Pangasinan bilang parte ng 4Ps Partnership Summit 2025 ng DSWD Region I. (RSO; JSE, MSWDO)







