Muling kinilala ang mahusay na paglilingkod ng Lokal na Pamahalaan ng Bayambang matapos itong gawaran ng Certificate of Recognition ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office I bilang pagkilala sa mahalagang suporta, aktibong pakikipagtulungan, at matatag na dedikasyon nito sa mga programa at serbisyo ng Regional Rehabilitation Center for Youth (RRCY).
Iginawad ang parangal noong Marso 12, 2026 sa ginanap na RRCY Panagyaman 2026 sa Regional Rehabilitation Center for Youth sa Urayong, Bauang, La Union.
Ayon sa sertipiko, kinilala ng DSWD ang LGU-Bayambang sa pamumuno ni Mayor Niña Jose-Quiambao dahil sa patuloy nitong pakikipag-ugnayan at pagtulong sa RRCY, na nagkaroon ng malaking ambag sa kapakanan, rehabilitasyon, at holistikong pag-unlad ng mga kabataang nasa pangangalaga ng nasabing institusyon.
Patunay ang pagkilalang ito sa patuloy na pagsusulong ng LGU-Bayambang ng mga programang nagbibigay ng pag-asa at panibagong pagkakataon sa mga kabataang nangangailangan ng gabay at suporta upang maging produktibong miyembro ng lipunan. (RSO; DSWD)


