Alinsunod sa bisyon ng LGU na maging isang smart town, nagsagawa ang LGU, sa pangunguna ng Mayor’s Office at ng Information and Communications Technology Office, ng isang online knowledge-sharing session tungkol sa artificial intelligence (AI) noong Setyembre 9, 2023.
Binigyan ng pangunang kaalaman tungkol sa AI ang mga lumahok ng face-to-face at via Zoom video mula sa iba’t ibang tanggapan ng LGU. Mapapansing nagsimulang sumikat sa mga nakaraang buwan ang ukol sa AI dahil sa pagsikat sa social media ng ChatGPT.
Ang ChatGPT ay isang AI system na ang mga user ay maaaring magtanong gamit ang kanilang natural na paraan ng pakikipag-usap, at ito naman ay magbibigay ng sagot na kahalintulad ng paraan ng pagsasalita o pagsusulat ng tao. Ang ChatGPT ay isang AI application na maaaring gamitin ng kahit na sino (gamit ang wikang Ingles o kahit Filipino) at ang inilalabas nito ay madaling gamitin sa pang-araw-araw na gawain, tulad ng pagsusulat ng business communication, pagpaplano ng bakasyon, o kahit na paghahanap ng solusyon sa problema sa isang organisasyon.
Bagama’t matagal nang mayroong AI, ang mga naunang gamit nito ay ramdam lamang ng mga nagta-trabaho sa ICT. ipinaliwanag sa mga dumalo kung paano nagtransisyon ang paggawa ng AI mula sa mga specific tasks, katulad ng visual recognition, patungo sa tinatawag na generative AI, tulad ng ChatGPT, na nakakagawa ng bagong output mula sa kaunting inputs o “prompts” ng gumagamit. Pinag-usapan din ang mga benepisyo at posibleng limitasyon ng AI kung kaya’t kailangan pa rin ng tao na magre-review ng output nito.
Ipinakita rin sa usapan ang iba pang AI apps, tulad ng Google Bard na katulad ng ChatGPT, AWS Codewhisperer na ginagamit sa paggawa ng software, at Microsoft Bing Chat na nakakagawa ng larawan mula sa mga ininput na suhestyon o ideya. Sa pakikipag-ugnayan sa AWS, naipakita rin na ang AI ay maaaring pakinabangan ng gobyerno sa paglaban sa mga pekeng aplikasyon sa financial assistance, tulad ng ginawa ng gobyerno ng Indonesia.
Ipinahayag ni Ms. Carmela Atienza-Santillan, Chief Executive Assistant, ang kahalagahan na matuto ang LGU sa AI dahil ito ay lubos na makakatulong sa mabilis na paggawa ng ideya sa mga problema ng munisipyo. Sinegundahan din ito ni Dr. Rafael Saygo, Pangulo ng Bayambang Polytechnic College, na ang AI ay di dapat maging tanging basehan ng trabaho subalit ito ay may malaking tulong sa pagsisimula at pag-aayos ng mga ideya.
Ang mga partisipante ay binigyan ng tatlong pagsasanay sa wastong paggamit ng AI, kasama ang paggawa ng internal communication, paggawa ng proposal, at paggawa ng justification sa isang policy decision.
Inaasahan na ang session na ito ay susundan ng mga follow-up na diskusyon upang lalong malinang ang mga kawani sa paggamit ng bagong teknolohiyang ito.
– ICTO