Muling pinatunayan ng LGU-Bayambang ang dedikasyon nito sa kalidad at kahusayan sa serbisyo publiko matapos ang matagumpay na ikalawang Surveillance Audit para sa ISO 9001:2015 Certification noong Hulyo 15, 2025 sa Balon Bayambang Events Center.
Pinangunahan ng Certification Partner Global (CPG) Philippines Audit Team, sa pamumuno ni Engr. Rizaldy Mojica, ang masusing pagsusuri sa mga sistema, proseso, at implementasyon ng Quality Management System (QMS) ng LGU.
Kabilang sa mga naging auditor sina Dr. Teresa Pou-Obar, Engr. Eduardo Cabanatan, Jr., Engr. Ryan Alexer Ballestamon, at Ms. Irene Calantog.
Layunin ng audit na tiyakin ang patuloy na pagsunod ng LGU sa internasyonal na pamantayan ng ISO, partikular sa paghatid ng maayos, episyente, at sistematikong serbisyo para sa publiko.
Sa kaniyang mensahe, naghatid ng suporta at inspirasyon si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad bilang kinatawan ni Mayor Niña Jose-Quiambao, at nagpaalala sa kahalagahan ng kolektibong pagsusumikap upang mapanatili ang tiwala ng mamamayan sa lokal na pamahalaan.
Sa Post-Surveillance Audit Conference kinahapunan, pormal na inilahad ni Engr. Mojica ang naging resulta ng audit, kung saan ipinahayag niya ang kumpirmasyon na muling napanatili ng LGU-Bayambang ang ISO 9001:2015 Certification nito, lalo na’t walang naitalang major o minor non-conformities, patunay ng patuloy na epektibong pagpapatupad ng QMS sa lahat ng sangay ng lokal na pamahalaan.
Sa huli ay pinasalamatan ni Atty. Vidad ang lahat ng opisina at kawani ng LGU na nagsanib-puwersa upang maging matagumpay ang audit at magpatuloy ang pagkilala sa mataas na pamantayan ng LGU-Bayambang pagdating sa quality management. (RGDS/RSO; JMB, AG)














