LGU-Bayambang, Nakiisa sa ‘Zumbasurero’ para sa 125th PCSA Kickoff sa Lingayen

Lingayen, Pangasinan — Aktibong nakiisa ang LGU-Bayambang sa ‘Zumbasurero,’ na ginanap nitong Biyernes, Setyembre 5, 2025, sa Lingayen bilang bahagi ng 125th Philippine Civil Service Anniversary (PCSA) kickoff activities.

Pinagsama sa nasabing aktibidad ang kalusugan at pangangalaga sa kapaligiran, kung saan nakilahok ang mga nagsipagdalo sa isang masayang Zumba session na sinundan ng coastal cleanup drive.

Layon ng programa na itampok ang tema ng PCSA ngayong taon, na nakatuon sa kalusugan, pangangalaga sa kalikasan, at mahalagang papel ng mga lingkod-bayan sa pagbuo ng mas maunlad na bansa.

Ipinapakita ng pakikilahok ng LGU-Bayambang, sa pangunguna ng HRMO, ang kanilang patuloy na pangako sa pagsusulong ng kalusugan, pangangalaga sa kapaligiran, at kahusayan sa pampublikong serbisyo. (RSO; HRMO)