Noong Setyembre 9, 2025, ang Lokal na Pamahalaan ng Bayambang, ay nagsagawa ng isang benchmarking activity sa Mandaluyong City Cemetery, na kilala rin bilang Garden of Life, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapaunlad ang serbisyo sa pampublikong himlayang bayan ng Bayambang.
Malugod na tinanggap ang delegasyon mula sa Bayambang ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, kasama ang mga kawani ng Mandaluyong City Hall. Ipinahayag ni Mayor Abalos ang kanyang suporta sa ganitong uri ng ugnayan at pagbabahagi ng kaalaman sa pagitan ng mga LGU, na mahalaga upang makabuo ng mas epektibo at makataong programa para sa mamamayan, partikular na sa mga residente ng Bayambang na tumatangkilik sa Public Cemetery at Public Bonery.
Sa pagbisita, ipinakita at ipinaliwanag sa mga opisyal ng Bayambang ang mga best practices, sistema ng pamamahala, at mga makabagong pamamaraan na ipinatutupad sa Garden of Life Cemetery, kabilang ang maayos na operasyon, sistematikong pangangalaga, at mga serbisyong nakatuon upang matiyak ang marangal at abot-kayang paglilingkod para sa publiko.
Patunay ang aktibidad na ito sa pagsusumikap ng LGU-Bayambang na magpatupad ng mga epektibong stratehiya mula sa ibang progresibong lungsod, upang higit pang mapabuti ang mga serbisyong hatid sa mga Bayambangueño.
Sa ganitong hakbang, pinatutunayan ng LGU-Bayambang ang kanyang malasakit at hangarin na patuloy na maghatid ng de-kalidad, maayos, at makataong pamamahala para sa lahat. (CMSJ/RSO; CMSJ)











