Board Meeting Ngayong araw, March 22, 2024, dumalo si Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini Sagarino-Vidad, bilang kinatawan ng LGU-Bayambang sa board meeting ng Bayambang Water District (BayWad) kabilang sina Board of Directors Chairman, Atty. Marlon Nonato, BOD Secretary Agustina Bautista, Dir. Bernardo Jimenez, Dir. Bernard Bawing, General Manager Francis Fernandez, Engr. Alfonso Basco, at Recording Secretary Ariane Gianelli Orduña. Dito ay patuloy na pinag-usapan ang mga planong isasagawa ng ahensya upang mas maglevel-up pa ang kalidad ng kanilang serbisyo sa tulong na rin siyempre ng lokal na pamahalaan.
Ilan nga sa mga kasalukuyang proyekto na isinasagawa sa bayan ay ang drilling of test/production wells sa Brgy. Ambayat 1st, Inanlorenza, Manambong Parte, Mangayao at iba pa, na siyang magiging daan upang magkaroon ng sapat at dagdag na supply ng tubig, at masiguro ang water pressure sa mismong bayan at sa areas ng mga nabanggit na barangay.
Isa sa mga patunay na epektibo ang mga proyektong ito ng BayWad ay ang pagkakaroon ng 18-20 hours na suplay ng tubig sa ilang elevated barangays hindi gaya noon na halos apat na oras lamang sa isang araw kung magkaroon ng water supply.
Isang compressor naman ang ipinahiram ni former mayor, Dr. Cezar Quiambao, kung kaya’t tuluy-tuloy rin ang scheduled scouring activities ng ahensya upang malinis at maalis ang mga contaminants na namumuo sa pipelines na kadalasan ring nagiging sanhi ng paninilaw, pagbaho, at paglabo ng tubig.
Sa kabilang banda ay inaabisuhan din ang publiko na posibleng maapektuhan ang suplay ng tubig ng mga pipelines sa kalapit na lugar ng mga nakaschedule para sa scouring activity na ito, kaya’t ang pag-iipon ng tubig sa timba o drum ay kinakailangan upang hindi lubos na maabala. Siguruhin din anila na tuwing bubuksan ang gripo ay maghintay ng ilang segundo bago sumalok ng tubig inumin upang matiyak na ma-flush out muna ang mga duming naipon sa mga tubo na dahilan ng mabaho at maruming tubig.
Hindi pa man 100% na masasabi ang improvement ng serbisyo ng BayWad, ngunit asahan na patuloy ang kanilang pagpaplano at pagsasagawa ng iba’t ibang proyekto upang maibigay sa publiko ang serbisyong may tatak Total Quality Service.
(ni Sheina MAe U. Gravidez; larawan: Ace Gloria)