Ang lokal na pamahalaan ng Bayambang ay sumailalim sa isang LGU Enrollment at Capacity Assessment Workshop bilang bahagi ng paghahanda sa implementasyon ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan–Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) sa ilalim ng Kapangyarihan at Kaunlaran sa Barangay (KKB) modality ng DSWD Field Office I – Ilocos.
Ang whole-day workshop ay ginanap ngayong araw, Disyembre 15, 2025, sa Mayor’s Conference Room at dinaluhan ng mga opisyal at kinatawan mula sa iba’t ibang tanggapan ng munisipyo, Sangguniang Bayan, at mga CSO/PO representatives.
Sa nasabing aktibidad, nabigyan ng mas malinaw na pang-unawa ang mga kalahok hinggil sa layunin ng programa, mga kinakailangang komitment ng LGU, at mga mekanismo ng pagpapatupad ng KALAHI-CIDSS KKB.
Isa itong programang community-driven development (CDD) na naglalayong bigyang-kapangyarihan ang mga mahihirap at bulnerableng komunidad na tukuyin ang sarili nilang pangangailangan, magplano ng mga solusyon, at magpatupad ng mga proyektong tutugon sa kahirapan sa kanilang lugar.
Isinagawa rin ang masusing pagsusuri sa kahandaan at institutional capacity ng bayan ng Bayambang upang matiyak ang epektibo at maayos na implementasyon ng programa sa antas ng barangay.
Ang workshop ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng LGU-Bayambang, sa pangunguna ni Mayor Niña Jose-Quiambao, na palakasin ang mga programang tumutugon sa kahirapan, partisipasyon ng komunidad, at inklusibong kaunlaran.
Inaasahang magsisilbing mahalagang hakbang ang aktibidad na ito sa mas matibay na pagpapatupad ng mga proyektong magdudulot ng pangmatagalang benepisyo sa mga mamamayan ng Bayambang. (RSO; WMC)









