Pormal na kinilala ang Lokal na Pamahalaan ng Bayambang matapos nitong makamit ang PRIME-HRM Maturity Level II sa larangan ng Recruitment, Selection and Placement at Performance Management, sa isang seremonya na ginanap ngayong araw, Disyembre 16, 2025, sa Municipal Conference Room. Ang pagkilalang ito ay iginawad ng Civil Service Commission (CSC) Region I bilang patunay ng matibay at maayos na sistema ng pamamahala sa human resource ng munisipyo.
Sa pambungad na pananalita ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad, na kumatawan kay Mayor Niña Jose-Quiambao, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng “mahusay at tapat na lingkod-bayan bilang pundasyon ng tagumpay ng lokal na pamahalaan sa paglilingkod sa mamamayan.”
Sa mensahe naman nina Rainier G. Repollo, Chief HRS ng CSCFO-Western Pangasinan, at Liwayway R. Navalta, Chief HRS ng CSC Region I, ipinaliwanag nila ang kahalagahan ng PRIME-HRM at ang naging paglalakbay ng LGU-Bayambang tungo sa mas mataas na antas ng HR maturity nito.
Isinagawa ang awarding of Certificate of Recognition ng CSC Region I, kasunod ang hamon ni Director Hedy Jose B. Lardizabal, Director IV ng CSC Region I, na hinikayat ang LGU-Bayambang na ipagpatuloy ang mga reporma at inobasyon sa pamamahala ng mga kawani.
Tinanggap ni Mayor Niña ang pagkilala sa ngalan ng pamahalaang bayan at pinasalamatan ang lahat ng kawani sa kanilang dedikasyon, sabay giit na ang tagumpay ay bunga ng sama-samang pagsisikap tungo sa mahusay, tapat, at makataong serbisyo publiko. (RSO; AG)











