Nakilahok ang LGU-Bayambang at ang Bayambang Municipal Federated Parents-Teachers Association (MFPTA) sa isang mahalagang dayalogo ukol sa Basic Education Support and Shared Accountability na inorganisa ng Department of Education – Schools Division Office (SDO) I Pangasinan.
Ang naturang aktibidad ay isinagawa noong Setyembre 19, 2025 sa Conference Hall, ikatlong palapag ng Building 1 ng SDO I Pangasinan sa Lingayen.
Layunin ng dayalogong ito na higit pang mapalakas ang komunikasyon at ugnayan sa pagitan ng DepEd SDO I Pangasinan at mga pangunahing stakeholders upang mas mapatibay ang implementasyon ng mga programang pang-edukasyon sa buong lalawigan.
Dumalo sa nasabing pagtitipon ang mga Municipal Information Officers at mga Municipal Federated PTA Presidents mula sa iba’t ibang bayan ng Pangasinan.
Kabilang sa mga kinatawan mula sa Bayambang sina Mr. Gilbert Galsim, Municipal Federated PTA President, at Ms. Angel Veloria mula sa Municipal Tourism, Information, and Cultural Affairs Office (MTICAO).
Ilan sa mga tampok na bahagi ng programa ay ang presentasyong “Strengthening Education Through Information and Advocacy” na inihatid ni Ms. Ma. Sheila De Guzman, Planning Officer III at Division Information Officer.
Tinalakay naman ni Mr. Aldrin Ocsan, Senior Education Program Specialist, ang paksang “Fostering Collaboration and Shared Accountability in Education.”
Samantala, ibinahagi ni Mr. Winston Sagun, Education Program Supervisor in English, ang “CID in Focus: Advancing Learning Outcomes through Curriculum Support” bilang kinatawan ni Ms. Carmina Gutierrez, Chief Education Supervisor.
Bilang kulminasyon ng programa, isinagawa ang isang Signing of Pledge of Support and Commitment na sumasagisag sa pagkakaisa, dedikasyon, at kolektibong suporta ng mga kalahok sa patuloy na layunin ng DepEd na iangat ang kalidad ng edukasyon sa lalawigan ng Pangasinan. (Angel Veloria; AV)









