Pinag-planuhan ng LGU-Bayambang at ng G-Exchange, Inc. ang mga susunod na hakbang upang masimulan na ang paggawa ng Bayambang Community Service Card noong Enero 15, 2026 sa Information and Communications Technology Office.
Kasama si G. Marvin Valdez ng GCash at mga kawani ng ICTO, napag-usapan na unahing i-register ang mga empleyado ng LGU at mga sektor na tumatanggap ng buwanang tulong mula sa lokal na pamahalaan.
Balak silang sundan ng mga sektor na may natatanggap din na tulong mula sa national government katulad ng mga magsasaka at tricycle operators and drivers.
Matatandaang pumirma ng isang memorandum of agreement ang LGU at ang GCash noong Nobyembre 3, 2025 para i-upgrade ng community service card ng LGU upang magkaroon ng financial services.
Sa pamamagitan ng Bayambang Community Service Card na may financial services, mas madali nang makakuha ng financial assistance ang mga kababayan natin mula sa LGU.
May plano din ang ICTO na bawasan ang mga paper forms dahil ma-iintegrate ang Community Service Card sa Restructured Community-Based Monitoring System ng lokal na pamahalaan.




