LGU Bayambang at Colgate-Palmolive Philippines, Sama-sama para sa “Bright Smiles, Bright Futures”

LGU Bayambang at Colgate-Palmolive Philippines, Sama-sama para sa “Bright Smiles, Bright Futures”

Masayang nakilahok ang mga mag-aaral mula sa Child Development Center sa Bayambang sa matagumpay na “Bright Smiles, Bright Futures” program, ngayong araw September 9, 2025, sa Balon Bayambang Events Center, sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan ng Bayambang at Colgate-Palmolive Philippines, isang inisyatiba na naglalayong itaguyod ang kalusugan ng ngipin ng mga kabataan. Ang programa ay pinangunahan ng mga dentista mula sa Rural Health Unit (RHU I at II), kabilang sina Dr. Dave Francis Junio at Dr. Alma Bandong.

Sa pamamagitan ng activities at educational sessions, natutunan ng mga bata ang tamang paraan ng pagsisipilyo, ang kahalagahan ng regular na pagbisita sa dentista, at ang mga pagkaing nakakatulong para sa malusog na ngipin at gilagid.

Kabilang sa mga aktibidad na isasagawa ang topical fluoride application at pamamahagi ng dental kits, at mga educational sessions tungkol sa oral hygiene.

Dumalo rin si Municipal Vice Mayor para ihatid ang mensahe ni Mayor Niña Jose Quiambao. Naroon din si National Association Dentist President Raphael Cezar Casanova, pati na rin si Public Health Specialist Cata Manuel ng Colgate-Palmolive Philippines, na nagbigay suporta sa programa.

Ayon kay Dr. Dave Junio, “Mahalaga na simulan ang pagtuturo ng tamang pangangalaga sa bibig sa murang edad. Sa ganitong paraan, mas magiging responsable ang mga bata sa kanilang kalusugan at maiiwasan ang mga problema sa ngipin sa hinaharap.”

Nagbigay din ng mensahe si Municipal Health Officer Dr. Paz Vallo, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng suporta ng mga magulang at guro sa pagpapanatili ng magandang kalusugan ng ngipin ng mga bata. “Sama-sama nating itaguyod ang ‘Bright Smiles, Bright Futures’ para sa ating mga kabataan,” dagdag pa niya.

Ang programang ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng LGU Bayambang at Colgate-Palmolive Philippines na bigyang-prayoridad ang kalusugan at kapakanan ng mga mamamayan, lalo na ang mga bata. Sa pamamagitan ng “Bright Smiles, Bright Futures,” inaasahang mas magiging malusog at masigla ang mga ngiti ng mga kabataan sa Bayambang. (Charlaine T. Melendez, VMF/RSO; JMB/Karl Vincent Alvarez)