Muling nakipagpulong ang LGU Bayambang sa Bayambang Water District (BayWaD) noong March 18, 2024, sa Municipal Conference Room. Ang pulong ay pinangunahan ni Municipal Administrator, Atty. Rodelynn Rajini S. Vidad kasama si MENRO, Joseph Anthony Quinto.
Tinalakay ng grupo ang mga sanhi ng maruming tubig at pagkakaroon ng insekto. Ayon sa BayWaD, ang isa sa mga sanhi ng maruming tubig ay nagmumula sa tagas (leak) mula sa luma at sirang tubo. Isa pang sanhi ng maruming tubig ay ang akumulasyon ng mga mineral at latak sa loob ng tubo dahil sa biglaan o unannounced power interruption na nagdudulot ng mahinang water pressure. Karaniwang apektado ng mga suliraning ito ay ang mga barangay na nasa may mataas na elevation dahil sa hindi sapat na supply ng tubig.
Ang BayWaD ay may mga ginagawang regular na hakbang upang maibsan ang mga sanhi ng maruming tubig. May regular flushing schedule sa bawat barangay na kadalasang apektado nito (elevated barangays). Mayroon ding air scouring activities kung saan gumagamit ng air compressor upang linisin ang mga tubo at maiflush-out ang mga namuong sediments o latak palabas ng mga blow-off points.
Upang mapalakas ang water pressure, may mga kasalukuyang proyekto ang BayWaD na karagdagang water source gaya ng Mangayao, Inanlorenza, Ambayat 1st, at Manambong Parte well drilling. Plano din ng BayWaD na magkaron ng karagdagang water source sa Brgy. Bongato West upang tuluyang palakasin at madagdagan ang supply ng tubig.
Kaakibat nito ang paglalagay ng mga booster pumps sa ilang estratihikong lugar upang mapalakas ang pressure o daloy ng tubig.
Para sa ikapapanatag ng mga kliyente ng BayWaD, nakita ng bawat kampo na isa sa mga epektibong paraan upang magkaroon ng aktibong pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga consumer nito ay ang pagkakaroon ng aktibong Facebook page at sa tulong na rin ng lokal na pamahalaan gamit ang Balon Bayambang FB page.
Sa pamamagitan nito ay maabisuhan ang mga kliyente sa mga proyekto ng BayWaD para maayos ang serbisyo, mas mabilis ang pag-aksyon ng BayWad sa mga problemang nararanasan ng mga consumer, at maipaliwanag rin sa kanila kung bakit nangyayari ang mga naturang isyu.
Tiniyak naman ng BayWaD na mas pagbubutihin pa ang kanilang serbisyo para sa benepisyo ng bawat Bayambangueño.